SA kalendaryo ng ating panahon, ang bawat buwan ay may tawag at kahalagahan. Tulad ngayong Oktubre, na bagamat sa pananaw at paniniwala ng mga magsasaka at mangingisda ay panahon ng pagdating ng malalakas na bagyo na pumipinsala sa kanilang mga pananim, sa mga Kristiyanong Katoliko, ang Oktubre ay Buwan ng Rosaryo o Rosary Month.
Ang pagdarasal ng Rosaryo ay ginagawa sa harap ng altar sa loob ng bahay. May nagdarasal nito sa gabi bago matulog. May mga pamilya rin na hindi nakaliligtaan ang pagdarasal ng Rosaryo kung Oktubre. Ang iba’y nagdarasal kapag dumadalaw sa Blessed Sacrament o sa harap ng imahen ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, bago simulan ang nobena.
Sa mga Catholic school, ang pagdarasal ng Rosaryo sa klase ay hindi nakaliligtaan. Sa bawat pagpapalit ng subject o asignatura, isang misteryo ng Rosaryo ang dinarasal ng klase. Ang guro ang namumuno sa pagdarasal o kaya ay ang presidente ng klase.
Sa La Salle Green Hills, noong nagtuturo pa doon ang inyong lingkod, naging karanasan na may mga guro at klase na hindi nagdarasal ng Rosaryo. Sa bawat pagpapalit ng subject, dapat dinarasal ang isang misteryo ng Rosaryo. Dahil dito, kapag ang nasundan kong titser ay hindi nagdasal ng isang misteryo ng Rosaryo (sinasabi sa akin ng class president), dalawang misteryo ng Rosaryo ang aming dinarasal.
Ayon sa kasaysayan, ang pagdarasal ng Rosaryo ay sinasabing sinimulan mahigit 400 taon na ang nakalipas at lahat ng uri ng tao na saklaw ng Simbahan ay nagdarasal nito.
Ang Kongregasyon ng mga paring Dominiko (Dominican) ay may mahalagang nagawa sa pagdarasal ng Rosaryo. Sinimulan ni Saint Dominic (Sto. Domingo), ang nagtatag ng Dominican Congregation, ang debosyon sa Mahal na Birhen. Ang Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) at ang Colegio de San Juan de Letran ay pinamamahalaan ng mga paring Dominican.
Ang mga naging Papa sa Roma ay nagtagubilin ng pagdarasal ng Rosaryo, kabilang ang yumaong si Saint Pope John Paul II, si Pope Benedict XVI at maging ang kasalukuyan nating Santo Papa na si Pope Francis.
May mga nagsasabi na ang mga banal noon ay gumagamit ng mga butil o batong maliit sa pagbilang ng kanilang mga dasal. May paniwala naman na ang pagdarasal ng Rosaryo ay binubuo ng 150 Pater Noster o Ama Namin. Pagkatapos, naragdagan ito ng Ave Maria o Hail Mary (Aba Ginoong Maria).
At noong 1409, isang mungkahi ang ipinasok ng Carthusian Dominican sa Prussia, Eastern Europe. Ginawang 50 na lang ang papuri kay Maria at Hesus, at 50 rin ang Ave Maria. Nang sumapit ang 1483, ang 50 Ave Maria ay naging 15 na lang, na katumbas ng 15 Misteryo. Limang Misteryo sa Tuwa (Joyful Mystery), limang Misteryo sa Hapis (Sorowful Mystery), at limang Misteryo sa Luwalhati (Glorious Mystery).
Noong Oktubre 15, 2002, sa Apostolic Letter ni Saint Pope John Paul II na may pamagat na “Rosarium Virginis Mariae”, dinagdagan pa ng limang Misteryo ang Rosaryo. Tinawag itong “Luminous Mystery” o Misteryo ng Liwanag. Ipinahayag naman noong 2003 na ito ang “Year of the Holy Rosary”.
Noong 1569, opisyal na pinagtibay ni Saint Pope Pius V ang Rosaryo. Siya rin ang nagpatibay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario kung ganitong buwan ng Oktubre. Ang kapistahan ay itinakda ng Oktubre 7. Si Pope Leo XIII naman ang nagmungkahi ng pagdarasal ng Rosaryo kung buwan ng Oktubre. Ayon kay Pope Leo XIII, ang Rosaryo ang isa sa pinakamahuhusay na dalangin ng pakikiusap sa harap ni Maria para sa ikabubuti ng ating mga nahihiwalay na kapatid.
Sa paglipas ng mga panahon, may iba’t ibang pananaw at opinyon ang nabanggit tungkol sa Rosaryo. May nagsasabing ang Rosaryo ay isang makapangyarihang paraan ng pag-uugnay ng pamilya, pamayanan at ng bansa sa Mistikong Katawan ni Kristo.
May nagsasabi naman na ang pagdarasal ng Rosaryo ay nag-aatas sa ating sarili ng pananalig at pasasalamat sa Diyos lalo na sa pagninilay ng “Doctrinal Truth” ng 15 Misteryo. Tumutukoy ito sa Kanyang pagsilang, paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay.
Ayon kay Sta.Teresita, ang Sto. Rosaryo ay katulad ng isang tanikalang nag-uugnay sa langit at lupa. Ang isang dulo ay nasa kamay ng Mahal na Birhen—ang kabilang dulo naman ay nasa ating mga kamay. Hanggang dinarasal ang Rosaryo ay hindi pababayaan ng Diyos ang daigdig, sapagkat malakas ang bisa ng Rosaryo sa Kanyang puso.
Sa bawat Pilipinong may panata at debosyon sa Mahal na Birhen at Dakilang Lumikha, ang pagdarasal ng Rosaryo ay bahagi na ng kanilang buhay.
May paniniwala rin na ang Rosaryo ay parang kuwintas ng mga rosas. Ang bawat dalanging sinasambit sa pagdarasal nito ay isang ispirituwal na rosas na iniaalay sa Mahal na Birhen. Kasama rin sa ipinagdarasal ang mailap na kapayapaan sa buong daigdig at ang pagkakaroon ng pambansang katahimikan at pagkakaisa sa bawat Pilipino, na nahahati dahil sa pagkakaiba ng paniniwala at suporta sa ating Pangulo.
Minsan nang sinabihan ng Pangulo na ang Diyos ay “stupid’. Maraming deboto tuloy ang napa-look na lang sa sky, kasunod ng pag-aantanda ng krus at pagsambit ng Susmaryosep!
-Clemen Bautista