Nagkumahog kahapon sa pagpapafull-tank ng kanilang sasakyan ang mga motorista kaugnay ng pagpapatupad ng big-time oil price hike, sa pangunguna ng Flying V at Shell, ngayong Martes.

Sa pahayag ng Flying V at Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes ay nagtaas ang mga ito ng P1.35 sa kada litro ng diesel, P1.10 sa kerosene, at P1.00 naman sa gasolina.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya sa kaparehong dagdag-presyo, na bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Setyembre 25 huling nagdagdag ng 40 sentimos sa gasolina, 20 sentimos sa diesel, at 15 sentimos sa kerosene.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Mariin namang tinutulan ng grupong Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) ang panibago at big-time oil price hike, at nagsagawa sila ng noise barrage sa Alabang viaduct sa Muntinlupa City.

Tumagal nang kalahating oras ang protesta ng grupo sa lugar, kahapon ng umaga, at hinikayat nila ang mga dumaraang motorista na bumusina nang malakas laban sa tuluy-tuloy na oil price hike, na nagbubunsod ng pagtataas ng presyo ng bilihin.

-Bella Gamotea