Pinayuhan ng Malacañang ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghanap ng ibang isyu na ibabato sa Punong Ehekutibo sa pagtaas ng kanyang satisfaction rating nitong huling quarter.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos lumutang sa huling Social Weather Stations (SWS) survey na 70 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsasabing kuntento sila kay Duterte.

Ang rating, tumaas ng limang puntos mula sa nakaraang survey, ay nagbigay kay Duterte ng “very good” net satisfaction rating sa third quarter ng 2018.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Roque na pinatutunayan lamang ng survey na naniniwala pa rin ang mga tao sa Pangulo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Kahit anong ipula nila kay Presidente ay bumabalik po at lumalabas na suportado siya ng taumbayan,” aniya.

Sinabi ni Roque na ngayon ay dapat nang mag-isip ng ibang ibabatong isyu ang mga kritiko ni Duterte.

“Kinakailangang humanap ng ibang isyu ang oposisyon bukod doon sa mga pananalita ni Presidente dahil nakikita natin na walang epekto iyong mga pinupula sa tiwala ng taumbayan kay Presidente,” dugtong niya.

Batay sa SWS survey, 16 porsiyento lamang ng respondents ang hindi kuntento sa performance ni Duterte habang 14 na porsiyento ang hindi makapagpasiya.

Inilabas ang resulta ng survey matapos ang huling kontrobersiyal na pahayag ni Duterte tungkol sa extrajudicial killings sa bansa, na para mga kritiko ng Pangulo ito ay pag-amin niya ng kasalanan.

-Argyll Cyrus B. Geducos