GAYA ng mga nangyari sa nakalipas, kinondena ng mga kritiko ni Pangulong Duterte ang kanyang naging pahayag habang nagtatalumpati sa Malacañang nitong Huwebes. Tinutukoy niya ang ilang sundalo na iniulat na ni-recruit sa planong pagpapatalsik sa kanya, nang sabihin niyang: “Sabi ko sa military. Ano’ng kasalanan ko? Nagnakaw ba ako diyan, ni piso? Did I prosecute somebody, na ipinakulong ko? Ang kasalanan ko lang ‘yung mga extrajudicial killing.”
Agad nagkomento si Opposition Senator Risa Hontiveros at sinabing ang naging pahayag ng Pangulo ay nagkukumpirma na mayroong extrajudicial killing (EJKs) at may pananagutan sa mga ito. “It completely demolishes the argument peddled by his apologists that while there are EJK cases under his term, they were carried out by rogue police personnel without the President’s expresss orders and approval.”
Gayunman, sinabi ni Malacañang presidential spokesman Harry Roque na ang naging pahayag ng Pangulo ay hindi pag-amin; sinasabi lang nito na sinisisi siya sa mga patayan sa kampanya laban sa ilegal na droga, ngunit hindi sa kurapsiyon o ilegal na pag-aresto. Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na sa tingin niya ay ipinahayag lamang ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya hinggil paulit-ulit na alegasyon laban sa kanya, na siya ang nasa likod ng EJKs.
Matagal nang inaakusahan ang administrasyon ng extrajudicial killing sa all-out war laban sa ilegal na droga sa bansa. Libu-libo ang napatay ng mga pulis, na nagsasabing “nanlaban” ang mga suspek.
Ipinag-utos ng Pangulo sa mga pulis na magpaputok ng baril sa oras na malagay sa panganib ang kanilang buhay, kapag gumanti ang kanilang inaaresto. Isang araw, sinabi ng awtoridad na hindi dapat ito tawaging extrajudicial killing, dahil, sa ilalim ng executive order na inisyu ng nagdaang pangulo, ito ay para lamang sa pagpatay sa mga political leaders, gaya ng Communist Party of the Philippines.
Dahil sa patayan sa kampanya kontra ilegal na droga, tinuligsa ang Pangulo ng mga opisyal ng United Nations, European Union, at ni dating Pangulong Barack Obama ng United States. Pinalitan ang PNP ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDA) sa pamamahala sa kampanya, habang ang PNP ang inatasan sa paglilinis sa kanilang hanay mula sa mga tiwali.
Ang patayan sa kampanya kontra droga ay nakalimutan na bilang isyu laban sa administrasyon—hanggang sa magtalumpati ang Pangulo sa Malacañang nitong Huwebes.
Patuloy na maniniwala ang mga kritiko ng Pangulo na umamin siya kanyang naging talumpati, habang ang kanyang mga opisyal ay nagsasabing hindi ito ang nais iparating ng Pangulo. Matatandaan natin na sa pagsisimula ng administrasyon, isang presidential aide ang nagsabi na ang mga namumutawi sa Pangulo ay dapat tanggapin ng may “creative imagination.”
Sa gitna ng bagong kontrobersiya, may mga panawagan sa Pangulo na mag-ingat sa mga ipinapahayag at pag-isipang mabuti ang mga salitang gagamitin bilang isang pangulo. Marami ang naggunita sa kanyang nakaraang State of the Nation Address. Ito ay naging solidong presidential performance, kahit na hindi natunghayan ang karaniwang gawi ng Pangulo.
Inaasahan natin na panandaliang magpapatuloy ang kontrobersiya sa naging pahayag ng Pangulo sa extrajudicial killings, lalo na’t panahon na ng pulitika sa paparating na midterm elections sa Mayo. Ngunit ang kontrobersiyal na pahayag ng Pangulo sa EJK ay lilipas gaya ng mga naunang pahayag.