SIMULA nang magretiro ako bilang isang regular na mamamahayag, ang pagkahilig ko sa musika ang aking pinagbalingan upang mawala ang araw-araw na pagkaburyong sa bagong mundo na aking ginagalawan.
Binalikan ko ang aking natutuhan – ang pagtugtog ng sulindro o harmonica – noong ako ay nasa grade III pa lamang, na bihira kong iparinig sa aking mga kasamahan sa larangan ng pamamahayag, mula noong ako’y reporter pa lamang hanggang sa maging news editor ng mga “KAPUSO” at ganap na magretiro apat na taon na ang nakalilipas.
Kaya marami sa mga dati kong katropa sa media ang nagugulat kapag bigla na lamang nila akong makikita na nakatayo sa munting entablado ng mga musikero, at walang pakialam sa mundo habang tumutugtog ng sulindro at nakikipag-jam sa banda. Madali kasing makipagkaibigan sa mga musikero, lalo na kung kababayan natin dahil – “pinagkakaisa ng musika ang puso nating mga Pinoy!”
Mga LODI ang naka-jam ko na – ang mga piyanistang sina Maestro Nelson del Castillo at Nida Roda; ang pinakamalupit na gitaristang si Noli Aurillo; ang composer/arranger na si Willy San Juan, ka-duet ang kanyang anak na si Maely na isa ring violinist; ang keyboard artist na si Alvin Santoyo; ang negosyanteng musikero na si Dhigs Agustin, kung saan ang puwesto niya sa Harrison Plaza sa Malate ay ang regular na “jamming venue” ng mga “oldies” na katulad ko, na ang palipasan ng oras ay humawak at tumugtog ng iba’t ibang musical instrument.
The last but not the least, itong country/folk singer na si Darryl Shy, na kumbaga sa bibingka ay mainit na mainit pa dahil sa dalawang bagong CD album ang kanyang inilunsad nitong Sabado, kasabay ng pagtugtog niya sa 2nd Anniversary ng Yarda Food Court sa Kingspoint Subdivision sa Novaliches, Quezon City. Parang “hot cake” na naubos agad dito ang dala niyang bagong release na mga CD – patunay lamang na umpisa na ng tagumpay na pinakaaasam-asam niya magmula nang makasali siya sa The Voice - Philippines (TVP).
Siyempre, kasama sa programa ni Darryl, na binansagang “TVP Sensation” matapos siyang makasama bilang finalist sa naturang singing competition, ang pagpapa-autograph ng kanyang mga tagahanga sa dalawa niyang CD – ang MAYLAYA at RUBBER BULLETS.
Ang paborito kong cut sa kanyang CD, na pinamagatang MAYLAYA, ay ang “Kaysikip (kapag nag-iisa)” na ikalawang awitin sa bagong release niyang CD na may makabuluhang pitong kanta.
Ang bahagi ng kantang medyo napangiti ako: “Tuyo na ang halaman dahil hindi nadidiligan. Tuloy pa rin ang tulo ng gripong nakasarado. Ngayon ko lang napansin, bukambibig mo sa akin. Oh, kaysikip ng bahay -- kapag nag-iisa!”
Medyo hirap lang akong makipag-jam kay Darryl, lalo na kapag ang gamit niyang acoustic guitar ay si WOODY, ang paborito niyang gitara na regalo ng kanyang dating “Girl Friend” may 18 taon na ang nakalilipas. Nakatono kasi ito sa frequency na bihira nang gamitin ngayon ng mga musikero. Medyo mas mababa ito nang konti kumpara sa tonong karaniwan nang ginagamit ngayon.
Tubong Baguio City si Darryl, kaya naman bilang isang singer, songwriter at composer ay mas kampante siyang magtrabaho sa kanilang lugar sa Mountain province, kung saan nakakukuha siya nang malalim na inspirasyon upang makalikha ng kanyang mga awitin.
Kaya dahil sa pagiging magkatsokaran namin na dulot ng ilang sandaliang pagdya-jamming – hindi marahil nakapagtataka na sa mga susunod pa niyang album ay may maririnig na kayong instrumentong tunog ng HARMONICA na kasaliw ng kanyang pagkanta – eh sino pa nga ba ang tutugtog nun, eh ‘di ako!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.