MABILIS na lumilipas ang mga araw at ngayon nga ay Oktubre na, ang simula ng huling bahagi ng taon at ang ikalawa sa apat na “ber” months na nagbibigay hudyat sa nalalapit na panahon ng Pasko na inaabangan ng halos lahat ng mga Pilipino.
Gayunman, nitong mga nakalipas na linggo ay hindi tulad dati. Sunud-sunod na nanalasa ang mga bagyo na nagdala ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dahilan upang kanselahin ang mga pasok sa paaralan at opisina hanggang sa dumating ang pinakamalakas sa mga ito, ang bagyong “Ompong” na nagdulot ng dalawang landslide na daang kilometro ang layo sa isa’t isa—sa Itogon, Benguet, sa Hilagang Luzon at sa Naga City, Cebu sa Visayas- na sa kabuuan ay kumitil ng 156 na katao base sa tala nitong Lunes.
Ilang linggo nang kanselado ang klase ng mga mag-aaral sa maraming probinsiya. Kaya naman kakailanganin nila itong punan sa pamamagitan ng dagdag na klase sa mga susunod na araw na dating bahagi bakasyon para sa panahon ng Pasko.
Naging mahirap din ang mga linggong ito para sa karamihan ng pamilya dahil sa ibang rason. Nararanasan nila ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, kasabay ng kakulangan sa supply ng pangunahing pagkain ng bansa, ang bigas.
Isinisisi ng mga economic managers ng pamahalaan ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at ang pagbagsak ng halaga ng piso, ngunit marami sa ibang ekonomista ang sinisisi ang bagong taripang ipinataw ng pamahalaan sa diesel at iba pang langis na lubusang nakaapekto sa lahat ng ekonomikal na aktibidad ng bansa, mula sa pagluluwas ng mga produkto sa pamilihan, sa produksiyon ng kuryente, sa pasahe ng mga pasehero. At ito ay TRAIN 1 lamang. Ang TRAIN 2, na maaaring magdulot ng pagsasara ng maraming dayuhang kumpanya sa bansa at paglipat sa ibang bansa, ay paparating pa lamang.
Napakaraming iba pang suliranin ang dumating sa mga nakalipas na linggo at buwan—ang pag-aresto kay Senador Trillanes hinggil sa pagbawi ng kanyang amnestiya, ang pagsasara ng Ninoy Aquino International Airport, ang mga bagong karahasan ng ilang teroristang grupo sa Mindanao, ang patuloy na lumalalang trapik sa Metro Manila, ang patuloy na pagpasok ng naglalakihang bilang ng shabu mula sa ibang mga bansa, at marami pa. Ngunit ang walang katapusang ulan at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang sumakop sa ating buhay sa mga nakalipas na mga linggo at buwan.
Para sa pagsisikap na mabigyan ng kasiguraduhan at mapakalma ang pangamba ng publiko, nagpahayag ng pag-asa si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang inflation—ang pagtaas ng presyo sa pamilihan—ay magsisimula nang humupa matapos ang ikatlong bahagi ng taon. Setyembre ang pagtatapos ng ikatlong bahagi ng taon kaya naman kasama tayong umaasa na magsisimula nang magbabaan ang presyo.
Umaasa rin tayo na ang sunud-sunod na pagpasok ng mga bagyo sa Pasipiko na nagdulot ng napakaraming pagkasira sa ating bansa ngayon ay magbibigay daan naman para sa magandang panahon na kinasanayan na natin tuwing ganitong panahon ng taon. Hindi naging magandang buwan para sa ating lahat ang Setyembre. Umaasa tayo sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre na maging magandang buwan para sa ating lahat sa nakalipas na mga taon