SEOUL (Reuters) – Sinimulan ng mga tropa mula sa North at South Korea ang pagtatanggal ng mga landmine sa kanilang heavily fortified border kahapon, sinabi ng defense ministry ng South, bilang bahagi ng kasunduan na mabawasan ang tensiyon at magkaroon ng tiwala sa hating peninsula.
Napagkasunduan ang mga detalye ng proyekto sa summit nitong nakaraang buwan sa Pyongyang, ang kabisera ng North Korea, sa pagitan nina North Korean Leader Kim Jong Un, at South Korean President Moon Jae-in.
Sa isang pahayag, sinabi ng ministry na nagkasundo ang magkabilang panig na alisin ang lahat ng landmines sa tinatawag na Joint Security Area (JSA) sa Panmunjom sa loob ng 20 araw, at ang military engineers ang nagsasagawa ng mapanganib na trabaho sa bahagi ng South Korea.
Wala pang kumpirmasyon mula sa North Korea na sinimulan na rin ng mga tropa nito ang proseso.
Nakapaloob din sa kasunduan ang pagtanggal ng guard posts at mga armas mula sa JSA kasunod ng pag-alis ng mga mina, at hindi sasaktan ang mga tropang mananatili roon.
Ang JSA ay isa lamang sa mga lugar sa 250-kilometrong haba na “demilitarized zone” (DMZ) kung saan nagkakaharap ang mga tropa ng dalawang Korea, at binabantayan din ng mga tropa ng United Nations.
Inaasahan din ang pagsisimula kahapon ng demining projects sa Gangwon province sa silangan ng South Korea, para pahintulutan ang lahat ng grupo na hanapin ang mga sundalong namatay noong 1950-1953 Korean War, idinagdag ng ministry.
Mahigit isang milyong landmines ang nakabaon sa border areas kabilang sa DMZ at Civilian Control Zone sa South, ayon sa demining experts, at maraming sibilyan at sundalo na ang namatay o nasugatan dahil sa mga ito.