INILUNSAD na ng Province of Rizal Educational Development Council (PREDAC) ang paghahanap ng mga natatanging guro sa lalawigan ng Rizal. Ayon kay Dr. Edith Doblada, dating DepEd Division Superintendent at executive director ng PREDAC, saklaw sa paghahanap ang mga nagtuturo sa DepEd Rizal, DepEd Antipolo, University of Rizal System (URS), at Technical Education Skills and Development Authority
(TESDA). Kasama rin ang pagpili sa natatanging administrator sa private school.
Ang mga mapipiling natatanging guro sa Rizal ay pararangalan sa Guronasyon sa Casimiro Ynares Sr. Gymnasium sa Binangonan, Rizal sa Nobyembre.
Ang salitang “Guronasyon” ay acronym ng GURO at KoroNASYON na ang kahulugan ay pagkilala at parangal sa mahuhusay at natatanging gurong Rizalenyo. Layunin nito na bigyan ng pagpapahalaga ang mga guro sa Rizal at patuloy na mapataas ang kalidad ng edukasyon.
Ang Guronasyon ay proyektong sinimulan ni dating Rizal Congressman Dr. Gilberto “Bibit” Duavit noong 1994. Kabalikat sa proyekto si dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Sa panahon ng panunungkulan ng dalawang lider ng Rizal, kapwa nila pinagtuunan ang kahalagahan ng edukasyon at kalusugan sa Rizal.
Nagpatuloy pa rin ang Guronasyon kahit natapos na ang panunungkulan nina Dr. Duavit at ex-Rizal Gov. Ynares sapagkat sinuportahan ito ng mga naging gobernador at congressman sa Rizal tulad nina ex-Rizal governor at kasalukuyang Antipolo Mayor Junjun Ynares, Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares at Rizal Congressman Michael Jack Duavit, ng Unang Distrito ng Rizal.
Makalipas pa ang ilan taon, ang Guronasyon ay naging isa nang foundation. At upang patuloy na palakasin at mas mapahusay ang programa sa edukasyon sa Rizal, binuo ang PREDAC. Sa pamamagitan ng PREDAC, naging mahusay at nagkaroon ng sistema at koordinasyon sa paglulunsad ng mga programa at proyekto sa edukasyon sa Rizal, mula sa public elementary at secondary hanggang sa kolehiyo at unibersidad.
Naniniwala ang mga tagapamuno sa Rizal na sa pagkilala at pagpapahalaga sa mga guro sa Rizal ay maaaring maabot ang hangarin na ang Rizal ay maging sentro ng karunungan sa Region IV-A. At ang pagpapahalaga sa mga guro ay patuloy na magdudulot ng ibayong epekto tungo sa magandang kalidad ng edukasyon sa lalawigan.
At kaugnay naman ng pagdiriwang at pagpapahalaga sa mga guro sa ginanap na “Buwan ng mga Guro” mula Setyembre 5 hanggang ika-5 ng Oktubre, narito naman ang bahagi ng aking pagpupugay sa mga guro. “Gabay ng talino’t tanglaw sa kariman, /Ng mga murang isip sa batis buhay; /Bukal ka ng dunong nitong kamusmusan, /At ng aking diwang sa aral mo’y uhaw./ Magulang ko ikaw sa silid ng dunong. /Loob mo’y busilak, puso’y mahinahon./Tagapag-imgat ka sa habang panahon,/ng mabuting bunga at dakilang layon”.
Ang inyong lingkod ay isa ring guro na nagturo ng Panitikan sa La Salle Green Hills sa loob ng dalawang dekada. Marami sa naging mga estudyante ko ay mga propesyonal na ngayon. May mga matagumpay na negosyante, artista sa pelikula at telebisyon, mga pulitiko at senador.
-Clemen Bautista