KINAILANGAN pa ng 13 laro upang maipakita ng rookie na si Koy Galvelo ang kanyang natatanging talento sa NCAA Season 94 Seniors Basketball Tournament.

At sa nasabing pagkakataon, walang sinayang na oras ang rookie marksman ng Letran. Bokya o scoreless sa unang 12 laro ng Knights makaraang makabangko, nagsimula ng magparamdam ang shooting combo guard na nagresulta ng tagumpay para sa Letran.

At dahil sa pamumuno niya sa Knights sa huling dalawa nitong panalo, si Galvelo ang napiling Chooks-to-Go/NCAA Press Corps Player of the Week. “Matagal ko na ring hinihintay to,” ani Galvelo na binangko sa loob ng siyam na laro dahil sa isyu ng paglalaro nya sa “ligang labas”.

“As a rookie, siyempre kailangan mag-step up. Tapos yun nga, sa pagkawala ni Jerrick [Balanza], kailangan talaga ng suporta. Yung mga teammate ko, sinasabi na kailangan talaga naming tumulong,” dagdag nito. Pinangunahan ni Galvelo ang Knights sa kanilang panalo kontra Emilio Aguinaldo College at Jose Rizal University, kung saan siya nagtala ng average na 15.5 puntos.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Binigyang kredito naman ni coach Jeff Napa ang kanyang mga team leader sa naging pagbabago ni Galvelo. “Hindi ba I told you that he’s a very important player? Hindi siya bangko. Kailangan lang niya ng confidence talaga,” ayon kay Napa. “Nagpapasalamat din ako sa mga teammates niya. Talagang hindi nila sinukuan at dinala nila ito sa tamang landas,” dagdag nito.

Si Galvelo ang ikatlong player ng Knights na nagwagi ng weekly citation kasunod nina Bong Quinto at JP Calvo. Tinalo niya para sa citation sina San Beda veterans Robert Bolick at Javee Mocon, Lyceum guard Jaycee Marcelino, at JP Magullano ng Emilio Aguinaldo College.

-Marivic Awitan