SA panunumpa sa tungkulin ng mga career executive service officers sa Malacañang, nagsalita si Pangulong Duterte. Tulad ng ginagawa niya, patalun-talon siya ng paksa sa kanyang talumpati hanggang sa dumating siya sa isyu ng kurapsiyon. Inamin niyang mahirap puksain ito bagamat isa ito sa mga ipinangako niyang kanyang gagawin. Siya mismo, aniya, ay hindi niya winawalanghiya ang pera ng mamamayan. Mayroon din daw oras ng pagtutuos sa mga opisyal na gumagawa ng masama.
“Ano ang inyong kasalanan? Ako? Sinabi ko sa militar, ano ang aking kasalanan? May ninakaw ba ako kahit piso? May inusig ba ako na ipinakulong ko? Ang tangi kong kasalanan ay ang mga extra-judicial killings,” pag-amin ng Pangulo.
“Hindi katawa-tawa o biro ang sinabing ito ng Pangulo,” sabi ng Commission on Human Rights (CHR) bilang reaksiyon sa sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi seryoso ang Pangulo sa pagsasabi niyang ang tanging kasalanan niya ay extra-judicial killings. “Sagrado ang buhay ng tao at hindi dapat na ito ay paglaruan,” sabi ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia.
Samantalang sinabi naman ni Senador Bam Aquino na mayroon laging hindi nakakatawang katotohanan sa likod ng bawat biro gaya ng sakit na dala ng mga pamilyang ang kanilang kamag-anak ay pinatay, gaya ng ang tinutudla ay mga dukhang komunidad sa halip na iyong mga mamamayang drug lord, gaya ng ipinakukulong ang mga kritiko samantalang ang mga corrupt ay malayang nagpupuslit ng shabu sa bansa.
May naiuulat na “Red October” na umano ay kilusan ng Communist Party of the Philippines, Liberal Party, mga kasapi ng grupo ng Magdalo at iba pang pwersa ng oposisyon na nagpaplanong pabagsakin ang Pangulo. Ang Pangulo ay nanalig na ang militar at mga pulis ay hindi tutulong sa mga destabilizers, ayon sa Presidential Spokesperson. May supporta ang militar sa Pangulo dahil pinaunlad nito ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng pagdodoble ng kanilang sahod at pagbibigay sa kanila ng benepisyong pabahay.
Hindi isyu ang suporta ng militar o kapulisan para manatili ka sa puwesto. Wala nang ibang naging pinuno ng bansa na pinakamalakas sa sundalo at pulis kundi si dating Pangulong Marcos. Lubusan niyang nagamit ang puwersa ng mga ito nang agawin niya ang gobyerno sa taumbayan. Ang sumustento sa kanya sa pagpapatakbo ng gobyerno ayon sa kanyang kagustuhan ay ang lakas at sandata. Pero, natibag din siya ng puwersa ng taumbayan. Sa panahon ngayon, hindi rin kailangan na may mga grupong kailangan pang gawing mabuway ang gobyerno ni Pangulong Digong. May mabigat na kaugnayan iyong pag-amin niya sa extra-judicial killing. Iyong kurapsiyon na pinoproblema niya ay hindi gaanong magpapahina sa kanya para maging dahilan sa pagpapatalsik sa kanya. Nalagay sa bingit ng alanganin noon ang gobyerno ni Pangulong Gloria dahil bukod sa kurapsiyon, naging malupit ito sa kanyang mga kritiko tulad ng ginawa sa dalawang batang mag-aaral ng University of the Philippines na si Gen. Palparan ang napatunayang dumukot sa kanila. Kalupitan ang EJK at ang patuloy na pagpatay sa mga dukhang umano sangkot sa droga. Eh, hindi pa makita ng taumbayan ang katapusan ng kanilang paghihirap dahil walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan. Ang kalupitan ng EJK, kahirapan at kagutuman ay ang mga mabigat na problema ng Pangulo na walang maitutulong ang militar kapag naningil na ang taumbayan.
-Ric Valmonte