DALAWANG hukom ang itinampok kamakailan ng magkahiwalay na insidente. Ang nauna ay si Malolos Regional Trial Court Judge Alexander Tamayo. Nahayag siya dahil sa kanyang naging desisyon laban kina dating Army Major General Jovito Palpalaran, Jr., dating Army Lt. Col. Felipe Anotado, Jr., at dating S/Sgt. Edgardo Osorio. Sinentensiyahan niya ang mga ito ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo kaugnay ng pagdukot sa dalawang batang mag-aaral ng University of the Philippines na sina Karen Empeno at Sherlyn Kadapan noong 2006. Ang sumunod ay si Makati Regional Trial Court Judge Elmo Almeda dahil binuhay nito ang kasong rebelyon na matagal nang nabasura laban kay Sen. Antonio Trillanes. Bukod dito, ipinaaresto pa niya ang Senador. Binawi kasi ni Pangulong Duterte ang amnestiyang iginawad ni dating Pangulong Noynoy sa Senador.
Tinawag na duwag ni Gen. Palparan si Judge Tamayo. Wala raw siyang kasalanan at wala siyang kinalaman sa pagkawala ng dalawang batang babae. Pero ano ang sabi ni Judge Tamayo sa kanyang desisyon? “Ang hindi mapapabulaanang katotohanan ay alam ni General Palparan ang pagdukot at pagpiit kina Karen at Sherlyn ng mga taong nasa ilalim niya, na nakita niya ang dalawa sa Camp Tecson, pero hindi lang niya kinunsinti ang ilegal na pagdakip sa kanila, kundi inaprubahan pa niya ang hindi makataong pagtrato ng kanyang mga tauhan sa kanila, na nagbunsod para gawin ito sa pamamagitan ng hindi pagpigil sa pag-abuso sa kanila.” Maliwanag, aniya, na siya ay isa sa mga nagnanais na mawala ang kalaban ng estado, tulad nina Karen at Sherlyn, na pinaniniwalaan nila na dapat maglaho sa daigdig sa anumang paraan.” Kay Palparan, napakalaking duwag ng hukom, pero sa marami, sila ay nasiyahan at nagbunyi sa ginawa nito. Tagumpay, anila, ito ng katarungan na napakailap at napakatagal nang hinanap ng mga ina ng mga bata.
Ibang reaksiyon naman ang sumalubong sa naging desisyon ni Judge Almeda. Isang tampalasang legalidad, hindi parehas, hindi makademokratiko at nagpapakita na tinalikuran ng korte ang kanyang tungkuling mapigilan ang pang-aabuso sa kapangyarihan, wika ng nakararami bilang mga maalam sa batas. Pagpanig ang ginawa ng hukom sa pagbawi ni Pangulong Digong sa amnestiya ni Trillanes. Bukod sa iginawad ito ng dating Pangulo, inaprubahan pa ito ng Kongreso. Ang katwiran ni Judge Almeda sa pagbuhay ng kasong rebelyon at pa-gisyu ng warrant of arrest laban sa Senador, ay walang pormal na kahilingan para masakop siya ng amnesiya. Pinagbatayan niya ang sertipikasyon ng isang Thea Joan Andrade, Lieutenant Colonel JAGS, Chief Discipline, Law and Order Division na batay sa records ng opisina, binigyan ng amnestiya ang Senador. Pero, aniya, walang kopya sa records ang kanyang application para sa amnestiya. Kaya sabi ni Almeda sa kanyang Order: “Ang pagtaya ng korte sa sertipikasyon ni Andrade ay katibayan ito ng alegasyon ng prosekusyon na hindi nag-apply ng amnestiya si Trillanes.”
Mabigat ang ganitong interpretasyon. Kung binigyan ng amnestiya ang Senador, may pinagbatayan ito. Maaaring hindi nga siya nag-apply o kaya nawala o winala ito. Pero, dahil binigyan siya ng amnestiya, hindi makatarungan na ipakahulugan na hindi siya nag-apply dahil lang wala sa records ang kopya ng kanyang application.
Hinihintay pa ang magiging desisyon ni Judge Andres Soriano ng RTC Makati, Branch 148 kung saan nakabimbim ang binuhay na kasong coup d’ etat laban sa Senador, na walong taon nang dinismis. Hindi gaya ng rebelyon, ang coup d’etat ay walang piyansa. “Ang dapat bantayan ng taumbayan, kung gagamiting batayan ay ang aking naging karanasan, ay kung dagling ma-promote si Almeda o kakandidato sa pagkamahistrado sa Court of Appeals o Supreme Court,” paalala ni Sen. Ping Lacson.
-Ric Valmonte