ISA sa mga bayan sa Eastern Rizal na may matibay na pagpapahalaga sa mga namanang tradisyon at kaugalian na nakaugat sa kultura ay ang mamamayan ng Jalajala. Ang Jalajala ay tinawag na Paraiso ng Rizal dahil sa pagiging malinis at pinakatahimik na bayan sa buong lalawigan ng Rizal. Kapag sumasapit ang ika-29 ng Setyembre, hindi nakalilimutan ng mga mamamayan na bigyan ng pagpapahalaga at ipagdiwang ang kapistahan ni San Miguel Arkanghel -- ang patron saint ng Jalajala, Rizal. Ngayong 2018, ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Miguel Arkanghel sa Jalajala ay nasa ika-236 na taon na.
Ayon sa liturgical calendar ng Simbahan, si San Miguel ay isa sa tatlong Arkanghel na ipinagdiriwang ang kapistahan kasabay ng kapistahan nina San
Gabriel at San Rafael. Si San Gabriel ang ipinadala ng Diyos at nagpakita kay Zacarias, ama ni San Juan Bautista upang ibalita ang pagdadalantao ng kanyang asawang si Santa Isabel.
Si San Gabriel din ang isinugo ng Diyos upang ibalita kay Maria ang pagkakatawang-tao ng Diyos Anak. “Aba puspos ka ng grasya”, wika niya kay Maria, “bukod kang pinagpala sa babaing lahat Maria, maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki at ang Kanyang pangalan ay tatawagin mong Jesus”. Si San Rafael naman ay ang Arkanghel na isinugo ng Diyos para tulungan ang maysakit. Itinuturing siyang gamot ng Diyos at pintasi ng mga maysakit.
Ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang pagdiriwang ng kapistahan ay bahagi ng pasasalamat ng mga taga-Jalajala sa Poong Maykapal at panahon ng pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyon at kultura, sa patnubay ng kanilang patron saint na si San Miguel Arkanghel. At ngayong ika-29 ng Setyembre, tampok ang isang concelebrated mass sa simbahan ng Parokya ni San Miguel Arkanghel, sa pangnguna ng kanilang parish priest na si Father Michael Balatbat. Matapos ang concelebrated mass, kasunod na nito angPagoda o fluvial procession sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Jalajala. Kasama sa fluvial procession ang mga mangingisda, magsasaka, mga kabataan, mga opisyal ng bayan at mga barangay, mga mag-aaral at iba pang may panata at debosyon kay Santo.
Sa gabi ng kapistahan ay tampok naman ang “Ms. Gay Pagkalinawan” na gaganapin sa coverd court ng Barangay 2nd District.
Sa bagong liturgical calendar ng Simbahan, pinagsama ang pagdiriwang ng kapisathan ng tatlong Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel at San Rafael. Ang tatlong Arkanghel ay pawang nagkaroon ng mahalagang bahagi sa kasaysayan ng kalipunan ng tao. Si San Miguel Arkanghel ay kinikilalang prinsipe at puno ng mabubuting anghel. Tagapagtanggol din siya laban sa kasamaan at silo ng demonyon.
Ayon sa kasaysayan, ang Jalajala ay kilala noon sa tawag na “La Villa de Pila” na nasa pamamahala ng mga paring Franciscano. Ang unang simbahang kawayan ay itinayo ni Padre Luis Saro. Noong 1820, naging isa itong malawak na hacienda na taniman ng kape, mga punongkahoy na namumunga, palayan at babuyan.
Naging ganap na bayan ang Jalajala nang mahiwalay sa Pililla na dating isang barangay noong 1823. Nang sumapit ang 1853 isinama ang Jalajala sa itinatag na Distrito Politica Militar de Morong, ang dating pangalan ng lalawigan ng Rizal. Nang sumapit ang ika-27 ng Marso,1907, sa pamamagitan ng Act 1626 na pinagtibay ng Philippine Assembly, ang Jalajala ay naging isang malayang munisipalidad. Ang unang nahalal na Presidente Municipal (Mayor) ay si Simeon Perez.
Nang manungkulan si Mayor Ely Pillas, unti-unting umunlad ang Jalajala. Naayos ang public market at ang ospital sa tulong at suporta ni dating Rizal Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. Naipagawa ang bagong munisipyo. Nagtayo ng mga school building para sa mga mag-aaral sa elementary at high school. Ang Buhay Pary List ay nag-donate rin ng mga classroom sa Jalajala.
May extension na rin ang University of Rizal Sytem (URS). Napaunlad ang dairy processing plant. Nagawa rin ni Mayor Ely Pillas na sa likod ng gusali ng munisipyo ay magkaroon ng lying in, fire station, extension ng gusali ng Sanggunian Bayan, Disaster Office Building, Jalajala canteen at warehouse sa pakikipagtulungan ni Representative Jun Rodriguez, ng Ikalawang Distrito ng Rizal. May ATM machine na rin sa Jalajala. Nasa compound ito ng munisipyo. Hindi na kailangang magtungo pa saTanay, Rizal ang mga empleyado ng munisipyo upang doon mag-withdraw ng pera. Malaki ang natipid nila sa pamasahe at oras.
Sa pagdiriwang ng kapistahan, ayon kay Jalajala Mayor Ely Pillas, ang pagpapahalaga sa tradisyon at kaugalian ay nakikita sa pagbibigay-buhay at pagkakaisa ng mga mamamayan. Ang mga nabanggit ay hindi nalilimot at laging bibigyang-buhay. Naniniwala sila na ang pagbibigay-buhay sa mga tradisyon ay lantay na pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga namanang tradisyon at kaugalian na bahagi ng pagiging isang bayan at ng pamayanan. Maligayang Kapistahan sa mga taga-Jalajala, Rizal.
-Clemen Bautista