Pinasalamatan ng Pilipinas ang United Arab Emirates (UAE) sa amnesty program na inilunsad ng UAE nitong Agosto.

Sa pamamagitan ng amnestiya, kapiling ngayon ng mahigit 1,000 hindi dokumentadong Pilipino ang kanilang mahal sa buhay sa bansa, ayon kay Dapartment of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter S. Cayetano.

Ipinaabot ni Cayetano ang pasasalamat kay UAE Foreign Minister Sheikh Abdullah bin Zayed Al-Nahyan, sa kasagsagan ng kanilang pagpupulong sa sidelines ng United Nations General Assembly sa New York, kamakalawa.

“We thank you not only for the hospitality extended to more than 600,000 of our fellow Filipinos but also for making it possible for those who do not have proper immigration status the opportunity to either regularize their stay or go home to their loved ones in the Philippines,” pahayag ni Cayetano.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagkausap sina Cayetano at Ah-Nahyan ilang oras matapos mapauwi ng Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ang 98 Pilipino, ang ika-10 batch ng OFWs na kumuha ng amnestiya na alok ng UAE government.

Sa ilalim ng tatlong buwang amnesty program na sinimulan nitong Agosto, nabigyan ng oportunidad ang mga overstaying na Pilipino at iba pang dayuhan na ayusin ang kanilang estado o bumalik sa kani-kanilang bansa.

Nasa kabuuang 1,194 na Pinoy mula sa Dubai at Abu Dhabi ang kumuha ng amnesty program at napauwi na ng DFA sa nakalipas na dalawang buwan.

Sa gitna ng pulong, inihayag ni Cayetano ang pasasalamat sa mga hakbangin ng UAE na tiyakin ang mga karapatan ng household service workers (HSW), tulad ng batas para sa domestic workers na nilagdaan noong 2017.

Tinalakay din ng dalawang opisyal ang iba pang kooperasyon na dapat pagtuunan ng Pilipinas at UAE, partikular ang kalakalan at pamumuhunan.

-Bella Gamotea