Sisimulan ngayong araw ng Judicial and Bar Council (JBC) ang paghahanap sa bagong chief justice.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kahapon na tatanggap na ang JBC ng mga nominasyon para sa papalit kay Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro na magreretiro sa Oktubre 8.
Ang deadline sa pagbigay ng mga kinakailangang dokumento para sa nominasyon ay Oktubre 15, ayon kay Gueverra, na siya ring ex officio vice chairman ng JBC.
Hinirang si De Castro bilang punong mahistrado nitong Agosto 25, matapos niyang talunin ang dalawang nominadong justices ng Korte Suprema.
Nakakuha si De Castro ng anim na boto mula sa mga miyembro ng JBC. May anim ding boto si Senior Associate Justice Diosdado Peralta, at limang boto naman ang nakuha ni Senior Associate Justice Lucas Bersamin.
Pinili ni Pangulong Duterte si De Castro.
Si De Castro ay naging miyembro to Korte Suprema noong Disyembre 7, 2007 nang hirangin siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Isa siya sa mga tumakbo bilang kapalit ni Chief Justice Renato Corona noong 2012, ngunit tinalo ni Maria Lourdes Sereno na pinili ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Pinatalsik naman ng Korte Suprema bilang Chief Justice si Sereno nitong Mayo 11, matapos na paboran ng korte ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.
Bago siya tumuntong sa pinakamataas na hukuman ng bansa, si De Castro ay naging presiding justice ng Sandiganbayan noong 2004.
Samantala, hawak na ng Malacañang ang shortlist ng JBC para naman sa bakanteng puwesto sa Court of Appeals.
Nabakante ang puwesto nang italaga si CA Justice Socorro Inting sa Commission on Elections (Comelec) ni Pangulong Duterte.
Kasama sa listahan sina Loida Posadas-Kahulugan, na may anim na boto; Angelene Mary Quimpo Sale at Emily San Gaspar-Gito, na kapwa may limang boto; at Emerson Aquende, Raymond Reynold Lauigan at Encarnacion Jaja Gomez Moya, na may tig-aapat na boto.
Si Inting ay itinalaga sa Comelec nitong Mayo 3.
-JEFFREY G. DAMICOG at Beth Camia