Tinanggap na ng Department of Justice (DoJ) ang kasong inihain ng pulisya laban sa blogger na si Drew Olivar.

Nag-ugat ang kaso sa bomb scare joke na ipinost ni Olivar sa kanyang social media account sa paggunita ng deklarasyon ng martial law, nitong Setyembre 20.

Sinabi ni Senior Insp. Rommel Bautista, ng Regional Investigation and Detective Management Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na paglabag sa Presidential Decree 1727 o Malicious Dissemination of False Information ang kasong isasampa kay Olivar.

Hindi tinanggap ng DoJ noong Martes ang inihaing kaso dahil kulang umano ang ebidensiya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinanggap lang ng DoJ ang kaso matapos idagdag ng NCRPO ang IP address at iba pang mga dokumento laban kay Olivar.

Bagamat nabura na ni Olivar ang kanyang post, na-ishare naman ito ng 108 beses.

Sa kanyang post, sinabi ni Olivar na nakakatakot umanong mag-rally sa EDSA para sa martial law declaration anniversary dahil sa tsismis na may sasabog na bomba gaya ng nangyaring pagsabog sa Plaza Miranda noong 1971 na nagresulta sa pagkasawi ng siyam na katao.

Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, ipinauubaya na nila sa DoJ ang kaso.

“Matapos ang imbestigasyon, nagpasya na kaming sampahan sya ng kaso at iyon nga ay inihain na sa DoJ,” wika ni Eleazar.

-Beth Camia