Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang sundalo na lalahok sa “Red October” plot, na layuning patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
Itinanggi rin ng AFP na may nasasagap silang report na may mga nahimok na sa hanay ng militar upang makiisa sa plot na sinasabing kinabibilangan ng New People’s Army (NPA).
Sinabi nina Philippine Army spokesperson Lt. Col. Louie Villanueva at Philippne Navy spokesperson Cmdr. Jonathan Zata na wala silang na-monitor na may mga sundalong sumanib sa nilulutong pag-aaklas laban sa Pangulo.
Pawang tsismis lamang ang mga ulat, ayon sa dalawa.
Sinabi naman ni Philippine Air Force spokesperson Maj. Aristides Galang na mataas ang kanilang morale dahil sa patuloy na modernisasyon ng hukbong sandatahan.
Paliwanag naman ni Philippine Marine Corps spokesperson Capt. Jerber Belonio, kung mayroon daw nagpakalbo sa kanila, ito ay ang mga bagong recruit.
Binigyang-diin ni AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na hindi naman na kailangan pang magsagawa ng loyalty check sa mga sundalo dahil tapat sila sa konstitusyon at sa chain of command.
Sinabi naman ni 6th Infantry Division Commander Maj. Gen. Cirilito Sobejana na abala sila sa pagtutok sa kanilang operasyon laban sa mga local terrorists group sa Central Mindanao, kaya walang panahon ang mga sundalo sa sumama sa mga panawagan kung mayroon man.
Si Pangulong Duterte mismo ang nagsabing nagsanib ang NPA, Liberal Party at iba pang grupong bumabatikos sa kanya upang maglunsad ng pakanang ibagsak ang kanyang administrasyon sa papasok na buwan.
-Fer Taboy