Dead on the spot ang isang lalaki na hinihinalang drug addict matapos na targetin sa ulo ng isa sa apat na ‘di pa nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Paolo Bumanlag, 45, ng 570 Area B, Gate 12, Parola Compound sa Tondo, dahil sa isang tama ng bala sa ulo.
Samantala, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat na suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), na pinamumunuan ni Police Chief Insp. Rommel Anicete, pinagbabaril ng mga suspek ang biktima malapit sa Señora Dela Paz Chapel, sakop ng Gate 12, Area B, sa Parola Compound, dakong 11:00 ng gabi.
Naglalaro umano ang biktima ng video karera nang dumating ang mga suspek, na pawang nakasuot ng face mask at bull cap.
Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima sa ulo at nang matiyak na napuruhan ang target ay agad na tumakas patungo sa ‘di batid na direksiyon.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
-Mary Ann Santiago