PARA sa layuning maisalba ang mga nanganganib na wika ng Pilipinas, binuksan kawakalawa ang unang “Bahay-Wika” sa bansa sa isang komunidad ng mga Aeta sa bahagi ng Mount Natib, Barangay Bangkal, Abucay, Bataan.

Pinangunahan nina Mayor Liberato Santiago, Jr. at pambansang alagad ng sining Virgilio Almario, pinuno ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang pagbubukas ng gusali na magsisilbi ring silid-aralan para sa mga batang Aeta sa kanilang pag-aaral ng wikang Ayta Magbukun.

Isa naman sa mga gurong Aeta ng Bahay-Wika ang nagturo ng ilang paraan ng pagbati gamit ang kanilang mga salita tulad ng “Aypara” o “kumusta ka” (how are you); “Yaraw wa awlu” o “magandang araw” (good day) at sagot na-- “Yaraw matan” o “ayos naman” (its fine).

“One achievement of a lifetime that we can never set aside just like that,” paglalarawan ni Santiago sa proyekto.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Aniya, bagamat maliit ang proyekto naniniwala siyang malaki ang maitutulong nito sa wika at komunidad.

“Pero kapag pinagmalasakitan ang isang tribu at maiangat ang kalagayan nila sa buhay sa pagtutulungan, wala akong nakikitang dahilan para hindi matupad ito,” sinabi ng alkalde.

“Ang lenguahe ay parte ng kultura na dapat hindi mawala o malimutan. Salamat kay national artist Almario. Napakagandang proyekto na hindi dapat kalimutan,” ani Santiago nang malamang kabilang ang wikang Ayta Magbukun sa mga nanganganib na wika.

Nakikisimpatya rin umano ang alkalde sa mga katutubo at sinabing, “Kitang-kita na kailangan nila ang pagkalinga kaya dapat ibigay ang pagkalinga, pagmamahal sa kanila at hindi dapat ipagwalang-bahala.”

Ibinahagi naman ni Almario, na siyang namamahala ng Komisyon sa Wikang Pilipino, na mayroong 131 wikang umiiral sa Pilipinas.

“Sa bilang na ito may nakita na kaming 30 na nanganganib mamatay o maglaho kaya dapat na tulungan. Ang wika ay isang bodega ng karunungan na nandiyan ang kasaysayan, karanasan at tradisyon,” paliwanag niya.

Sinabi rin ng alagad ng sining na kinakailangang mapreserba at maisalin sa mga bata ang wika.

“Experimento ito na unang-una sa buong Pilipinas. Meron sa ibang bansa pero sa buong Pilipinas, ngayon pa lamang,” ani Almario sa Bahay-Wika.

Umaasa rin sila sa tagumpay ng proyekto at makakuha ng atensiyon sa maraming tao na maaaring makatulong sa pagpepreserba ng iba pang nanganganib na wika.

Aminado naman ang kapitan ng barangay Bangkal na hindi na nagagamit ng mga kabataan ang kanilang wika.

“Mga bata hindi na alam. Salamat sa nakaisip ng Bahay Wika. Ma-preserve na namin uli sa mga bata ang aming salita dahil nawawala unti-unti,” pahayag ng kapitan.

Suportado rin ng probinsiyal na pamahalaan ng Bataan ang proyekto na tumulong sa pagpopondo para sa konstruksiyon ng gusali.

Samantala, ang tribo Magbukun ng mga Aeta ay matatagpuan sa mga bayan ng Abucay, Orion, Limay, at Mariveles.

PNA