Makalipas ang mahigit tatlong buwan, nasa kabuuang 309,434 na indibiduwal na umano’y lumabag sa iba’t ibang ordinansa ang inaresto, pinagmulta at winarningan sa Metro Manila, ipinahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kahapon.
Simula Hunyo 13 hanggang 5:00 ng madaling araw kahapon, sinabi ni NCRPO Director Guillermo Eleazar na 102,099 individuals (33 porsiyento) ang inaresto sa paglabag sa smoking ban; 23,276 (7.52%) sa paghuhubad baro sa pampublikong lugar; 22,389 (7.24%) lumabag sa curfew; at 15,741 (5.09%) ang uminom ng alak sa pambulikong lugar.
Samantala, 145,925 (47.16 percent) iba pa ang lumabag sa iba pang ordinansa gaya ng pag-ihi at pagdura sa pampublikong lugar, nakumpiskahan ng patalim, paggamit ng karaoke sa gabi, at paglabag sa batas trapiko.
Ipinangako ni Eleazar na ipagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng kampanya sa kabila ng resulta ng pinakabagong SWS survey na 60%, o tatlo sa limang Pilipino, ang nagsabi na pag-aresto sa mga tambay ay paglabag sa karapatang pantao. Isinagawa ang survey mula Hunyo 27 hanggang 30 at inilabas ang resulta nitong Setyembre 23.
-Martin A. Sadongdong