Hindi naglabas ng alias warrant of arrest at hold departure order ang Makati City Regional Trial Court (RTC) laban kay Senador Antono Trillanes IV sa kasong coup de etat, kahapon.

Kinumpirma sa sala ni Makati RTC Branch 148 Judge Andres Soriano na wala pang ilalabas na warrant at HDO dahil may mga pinag-aaralan pa ang korte kaugnay ng kaso.

Dalawang tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation Detection Group (PNP-CIDG) ang nagtanong kung kailangan ng kaukulang assistance ang korte, na agad din umalis matapos na mabatid na hindi mag-iisyu ng resolusyon si Judge Soriano.

Unang inihayag ng Department of Justice (DoJ) na submitted for resolution ang inihaing mosyon ng kagawaran sa Makati RTC Branch 148 hinggil sa hirit na warrant of arrest at HDO nang makapagsumite kamakalawa ang DoJ ng komento ng oposisyon ng senador, nitong Lunes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabuhay ang kasong kudeta laban kay Trillanes matapos ipawalang-bisa ni Pangulong Duterte ang amnestiya ni Trillanes.

Isa si Trillanes sa mga namuno as Oakwood mutiny sa Makati City noong 2003.

Nitong Setyembre 25, nag-isyu ng alias warrant of arrest at HDO si Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda laban sa senador. Dinakip siya ngunit agad din nakalaya matapos na magpiyansa ng P200,000.

Mula sa Senado, boluntaryong sumama si Trillanes kay NCRPO Regional Director Guillermo Eleazar at Makati City Police chief, Senior Supt. Rogelio Simon patungo sa nasabing korte.

Tulad ng mga inaarestong karaniwang indibiduwal, kinunan ng mugshot si Trillanes at sumailalim sa finger printing sa Makati Police, bago iniharap sa hukuman.

Ang alias warrant ay iniisyu kung ang inaresto ang hindi humarap sa korte bago ito nakasampa ng plea.

-Bella Gamotea