IBANG-IBANG Sophie Albert ang mapapanood sa primetime dramedy ng GMA 7 na Pamilya Roces, na gaganap bilang si Amber Bolocboc. Ito ay dahil malayung-malayo ang karakter niya ngayon kumpara sa madalas na tahimik at seryosong role na ginagampanan niya.
“Yes po, iyong ang ganda pala ng surname ng tatay ko, pero ang gamit ko surname ng mommy kong si Violet, si Elizabeth Oropesa, na Bolocboc,” kuwento ni Sophie sa press visit ng ilang entertainment press sa location nila sa King’s Royale Promenade sa Bacolor, Pampanga. “Another family kami ni Rodolfo Roces na naka-one night stand lamang ng mommy ko, hindi kami mayaman, pero gagawa kami ng paraan para makapasok kami sa pamilya Roces.”
Masaya si Sophie na muling makasama si La O, dahil una silang nagkasama sa Moonlight Over Baler at siya ang gumanap na young Elizabeth Oropesa. Natuwa raw sila nang magkita sa story conference pa lamang. At masaya siyang may makatrabahong ibang artista na taga-GMA Network. Sina Jasmine Curtis Smith at Shaira Diaz ay nakasama na niya noon sa TV5. Among the boys na bago niyang makakasama sa cast sina Andrei Paras, Manolo Pedrosa at Rocco Nacino. First time rin niyang makakasama ang Romantic Balladeer na si Christian Bautista.
Pero nakatikim pala siya ng salita kay Direk Joel Lamangan?
“Opo, napagalitan niya ako nang late akong dumating sa set. Nag-sorry po agad ako sa kanya. Naligaw kasi kami, nakatulog ako at ang driver ko, hindi niya alam gamitin ang waze. Kaya sabi ni Direk Joel, hindi raw siya naghihintay ng mga artistang late dumating. But after naman po noon, hindi na naulit. Maganda po ang working environment namin, calm, peaceful. Maaga rin kaming natatapos, once lamang kaming inabot ng 4:00 AM dahil big scene ang kinunan namin.”
Tinanong namin si Sophie kung totoong magpapakasal na sila ng boyfriend niyang si Vin Abrenica?
“Hindi po totoo, nagulat nga ako nang mabasa ko iyong interview, kaya sinita ko siya, sabi po lamang niya, ready na raw siya kung gusto ko, pero wala pa pong ganoon, although paminsan-minsan napag-uusapan namin. Gusto pa rin naming mag-focus muna sa work. Five-year contract po ang pinirmahan ko sa GMA at ini-enjoy kong magtrabaho rito. Ito pong ‘Pamilya Roces’ ang first teleserye ko pero marami-rami na rin akong guestings sa ibang shows ng GMA.”
Hanggang ngayon ay comatose pa rin ang daddy ni Sophie for 16 years pero stable naman daw ang kalagayan nito at kung wala siyang work ay dinadalaw niya ang ama sa Tarlac.
Sa Oktubre 8 na ang airing ng Pamilya Roces pagkatapos ng Onanay.
-Nora V. Calderon