NAKATANGGAP ng malaking pagsulong ang kampanya na gawing isang tourism at travel destination ang Nueva Ecija sa tulong ng iba’t ibang piyesta mula sa mga bayan at lungsod ng probinsiya, sa ilalim ng public-private partnership.
Ayon kay Provincial tourism officer Lorna Mae Vero, naging makasaysayan ang unang Nueva Ecija Harvest festival na kinatatampukan ng pagdiriwang ng nasa walong bayan at dalawang lungsod sa probinsiya, sa pakikipagtulungan ng Provincial Tourism Office at ng SM City Cabanatuan kamakailan, dahil nagbibigay umano ito ng daan upang mas umangat ang kultural na turismo sa lugar.
“Hindi mabubura sa alaala at kasaysayan na ito ‘yung kauna-unahang ginanap. Ang isang public-private partnership at kung may pagsasama-sama wala talaga tayong pupuntahan kung hindi pag-unlad,” ani Vero.
Ipinunto niya na ang turismo ay hindi lamang tungkol sa magagandang lugar, eco-tourism o farm tourism, ngunit tumutukoy din ito sa kultura at kasaysayan.
“Tourism is what we are doing now. It is cultural tourism. Our festivals, foods and faces and on how we live and dream,” aniya.
Sa kanyang pahayag sinabi naman ni Mark Carlo Herrera, mall manager ng SM City Cabanatuan, na ang Nueva Ecija Harvest festival na ipinagdiwang kamakailan ay tunay na nagpapatatag sa magandang pagdiriwang ng probinsiya.
Bumuo sa pagdiriwang ang pagpapakita ng iba’t ibang street dances ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lugar na nagpapakita ng kanilang sariling kultura, kasaysayan, at buhay.
Kabilang sa mga local government units (LGUs) na nakilahok ang bayan ng Bongabon, Cuyapo, Guimba, Llanera, Nampicuan, Rizal, San Antonio, Zaragoza, at ang mga lungsod ng Palayan at San Jose.
“We realized that Nueva Ecija has lot of things thay can offer, one of them are the festivals. Very rich culture and history. That’s why we came about to showcase each and everyone of them in one location, particularly SM City Cabanatuan. So by this, we were able to highlight the best that the province can bring to you,” pahayag ni Herera, kasabay ng pagmamalaki sa mga lokal na produkto at pagkain na na ipinagmamalaki ng mga bayan at lungsod.
“The talents of the youths here. We want to show those talents not only in Cabanatuan City but in the whole country,” dagdag pa niya.
Kinilala naman ng aktor at First District Board Member na si Rommel Padilla ang naging pagdiriwang ng Nueva Ecija Harvest festival na nagpapakita rin ng katatagan ng mga Novo Ecijanos, na kinakaya ang mga pagsubok, lalo na ang mga magsasaka na kamakailan lamang ay naapektuhan ng bagyong Ompong.
PNA