Isang overseas Filipino worker ang namatay nang barilin ng mga rumespondeng guwardiya matapos umanong mag-amok at patayin sa saksak ang kanyang Saudi manager at isang katrabahong Pakistani, na ikinasugat rin ng iba pa sa pinagtatrabahuang kumpanya sa Saudi Arabia, nitong Miyerkules.

Sa inisyal na ulat na natanggap ng DFA sa Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, naganap ang insidente sa Farasan Island, may 50 kilometro ang layo mula sa Jizan City.

Sinabi ni Consul General Edgar Badajos na batay sa inisyal na ulat, sinaksak ng nasabing OFW ang katrabahong Pakistani matapos silang magtalo, gayundin ang manager nilang Saudi. Sinaksak din niya ang ilan pang kasamahan na nagtangkang umawat.

Ayon pa kay Badajos, rumesponde ang security personnel ng kumpanya, isang subcontractor ng Saudi Electric Company, at binaril hanggang sa mapatay ang Pinoy.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Nagpadala na ang Konsulado ng grupo sa Jizan, mahigit 600 kilometro ang layo mula sa Jeddah, upang mangalap ng karagdagang impormasyon kaugnay ng insidente, at ayudahan ang OFW na hindi muna pinangalanan dahil hindi pa naipababatid sa kanyang kaanak ang nangyari.

-Bella Gamotea