MAYROONG dahilan kung bakit marami sa mga nagdaang Kongreso ang nagpasa ng mga batas na nagbibigay ng iba’t ibang uri ng insentibo sa mahigit 3,000 negosyo at samahan sa bansa, tulad ng pagkalibre sa ilang buwis.
Iginawad ang insentibo sa sektor ng renewable energy upang mahikayat ang pagbubuo ng ganitong uri ng maaaring pagkunan ng kuryente tulad ng solar, wind, geothermal at biomass, na tutugon naman sa pagbawas ng bansa sa pagdepende sa mga uri ng tradisyunal at nagbibigay polusyon na power sources tulad ng langis, gas, at uling.
Ibinigay naman ang insentibo sa pamamagitan ng mababang buwis sa mga intitusyon ng paaralan at ospital, upang matulungan ng mga ito ang mahihirap na hindi kayang matustusan ang serbisyo ng modernong pangkalusugan.
Libreng buwis naman ang insentibong ibinigay sa daan-daang dayuhang negosyo upang mahikayat ang mga ito na magtayo ng kanilang negosyo sa mga export processing zone ng bansa, kung saan kumukuha sila ng libu-libong empleyado at bumubuo ng mga produkto na nagpapalakas sa kalakal na iniluluwas ng bansa.
At pinagkalooban din ng insentibo ang industriya ng mga publikasyon sa bansa mula sa Expanded Value-Added Tax bilang pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga aklat bilang “instrumental in the citizenry’s intellectual, technical, and cultural development—the basic social foundation for the economic and social growth of the country,” mula sa pahayag ng Philippine Center of International PEN (Poets & Playwrights, Essayists, Novelists).
Ito ang mga insentibong iminumungkahing tanggalin sa TRAIN 2, ang ikalawang panukalang-batas na naglalayong itaas ang kita ng pamahalaan, habang inerereporma ang sistema ng buwis sa bansa. Pabababain ng TRAIN 2 ang corporate tax rates ngunit patataasin nito ang kita ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbawi sa mga tax exemption at sa lahat ng uri ng insentibo na naiipatupad sa mga nakalipas na taon.
Isa-isa nang naglalabasan ang iba’t ibang grupo sa bansa upang iprotesta ang hakbang na pagtanggal sa lahat ng mga tax exemption at ibang mga insentibo. Nariyan ang pangamba na maisantabi ang pagsusulong ng Pilipinas para sa higit na renewable energy, bilang bahagi ng pangako nito sa Paris Agreement on Climate Change. Maraming paaralan at mga ospital ang magtitigil ng kanilang serbisyo para sa mahihirap. Maraming dayuhang kumpanya ang ngayon ay nagbabalak na lumipat sa ibang mga bansa na nag-aalok ng insentibong mawawala sa kanila.
Higit tayong nababahala sa pagsama ng isang probisyon sa TRAIN 2 na nagpapawalang-bisa sa Section 1 ng Book Publishing Industry Development Act na ipinagtibay noong 1995, na nagbibigay ng libreng buwis sa mga publikasyon ng libro. Maraming tao sa buong mundo ang hindi na nagbabasa ng libro dahil sa lumalagong dominasyon ng social media at telebisyon bilang mapagkukunan ng impormasyon, ngunit nananatiling bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan ang mga libro at ng buhay ng tao.
“Books, despite technological developments, are still the most effective and economical tools in growing education, disseminating information, and preserving and enriching the nation’s cultural heritage,” pahayag ng PEN, sa naging apela nito sa Kongreso. Kasama tayo ng maraming sektor na nagpapahalaga sa mga aklat sa apelang ito.