DAHIL sa kakulangan ng matalinong pamamaraan upang palakihin ang kita ng gobyerno, ilang mambabatas ang nakikipagsabwatan sa Department of Finance (DoF) na patawan ng buwis ang importasyon ng aklat at patuloy na pabagsakin
ang antas ng literasya o kamalayan ng bansa.
Sa bisa ng Presidential Decree 1464 ni dating Pangulong Marcos, umusbong ang adbokasiya na payagang pumasok ng walang buwis ang ‘imported books’ para matugunan ang kakapusan ng aklat na katha ng mga Pilipinong intelektuwal.
Lalong pinatibay ang kaisipang ito noong 1995 ng Republic Act 8047, ang ‘Book Publishing Industry Development Act’ na lumikha sa National Book Development Board (NBDB). Sinasalamin ng batas ang pagkilala ng estado sa kahalagahan ng aklat at mahalagang papel nito sa pagpapasulong ng kamalayan at karunungan sa bansa.
Lalo pa itong pinalakas nang lagdaan ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order 885 na nagpabago sa buwis ng ilang ‘imported’ na kagamitang kasama sa PD 1464 at inalis ang lahat ng buwis sa ‘imported books’ bilang tugon sa ‘Great Book Blockade.’
Ngayon, nais itong baguhin ni Senate President Vicente Sotto. Inihain niya ang SB 1906 na magkakaroon ng matinding epekto sa importasyon ng mga aklat at lokal na paglilimbag kapag pumasa. Balak itong isakay sa panukalang ‘Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) bill.’
Matapos palihim na isingit ang karagdagang 12% buwis sa papel sa ilalim ng TRAIN 1, ang pag-alis ng tax exemptions sa iliam ng RA 8047 ay tiyak na magpapabagsak sa industriya ng aklat. Ito nga ba ang kultura ng ‘Eat Bulaga’?
Nagkakaisa sina NBDB founding chairman Dominador Buhain, mga awtor at manunulat mula Mindanao at Kabisayaan, kasama ako na dating NBDB, sa paglaban sa pagpataw sa panukala ni Sotto at iba pang hakbang para isulong ang kamanmangan sa mga Pilipino. Dapat at kailangan nating suportahan ang industriya ng paglilimbag.
Kinikilala sa mundo ang kahalagahan ng aklat sa pagpapaangat ng kaalaman. Buod ito ng ‘Florence Agreement’ na pinagtibay ng Pilipinas noong 1952. Sa ilalim nito, libre sa buwis ang lahat ng “educational, scientific, and cultural materials.” Inaatasan din ng 1987 Constitution ang gobyerno na bigyang prioridad ang “education, science and technology, arts, culture, and sports.”
Hindi dapat ipinagwalang-bahala ang pagtulak ng kamangmangan sa bansa. Tutulan natin ang panukala ni Sotto.
Samantala, walang humpay na itinataguyod nina Buhain at ibang mga lider ng industriya ng paglilimbag ang kahalagahan ng mga aklat sa pag-unlad ng bansa.
-Johnny Dayang