MISTULANG ‘hilong-tolelong’ na ba kayo sa traffic?
Halos walang galawan na ang mga sasakyan hindi lamang sa EDSA at C5 ngunit maraming lugar sa Metro Manila.
Tiyak na marami na namang nakararanas ng high blood dahil sa matinding suliranin na ito.
Kaya easy lang, mga parekoy!
Sa kabila ng matinding trapik, puspusan naman ang pagpapalabas ng traffic advisory ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) at ibang lokal na pamahalaan upang gabayan ang mga motorista at makaiwas sa mga kritikal na lugar.
Lalo na sa mga nakaambang infrastructure project na kailangang magsara ng ilang pangunahing lansangan upang maipatupad ang mga ito at makaiwas sa abala sa proyekto.
Laking gulat nga ng karamihan nang biglang kumambiyo ang DPWH at ipinagpaliban ang konstruksiyon ng Estrella bridge sa Mandaluyong City dahil sa idudulot nitong trapik.
Kinabog ang DPWH sa posibleng epekto ng pagsasara ng tulay sa trapik lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan.
Imbes na isara ang Estrella bridge ngayong Setyembre, ikinasa na lamang ito sa Enero 2019.
Subalit kung lalo nating patatagalin ang pagpapatupad ng mahahalagang imprastraktura tulad ng tulay na ito, pinatatagal lang rin natin ang pagdurusa ng mamamayan.
Ihalintulad natin ito sa isang bulok na ngipin na kinakailangan nang bunutin upang hindi maipeksiyon. Subalit imbes na bunutin, ilang ulit na pinagpapaliban ang proseso dahil sa iba’t ibang dahilan…and’yan ang may dadaluhang kasalan, family reunion, birthday party, at iba pang ka-ek-ekan.
Mahalagang agad na matapos ang malalaking imprastraktura na isinusulong ng administrasyong Duterte sa ilalim ng konseptong Build, Build, Build.
Kaya tayo naman ay…Tiis, Tiis, Tiis!
Samantala, ang isang paraan upang mabawasan ang ating kalbaryo sa araw-araw na trapik ay palaging alamin at seryosohin ang mga traffic advisory na inilalabas ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Dapat ring makisabay na tayo sa teknolohiya tulad ng paggamit ng Waze at MMDA traffic app upang makaiwas sa mga traffic-prone area.
Medyo magastos nga lang subalit kung isusuma-total natin ang lahat, ikaw pa rin ang panalo kung makaiiwas ka sa trapik.
Marami pa ring mga tsuper ang hindi gumagamit ng Waze at MMDA traffic app dahil sa kawalan ng interes sa makabagong teknolohiya.
Huy! Gumising na kayo!
Mahirap mapag-iwanan sa pansitan dahil lamang takot kayong mag-eksperimento sa mga cell phone niyo.
Bakit hindi kayo magpaturo sa anak niyo kung paano gumamit ng traffic app?
Madali lang po ‘yan. Pakitawag nga si Boy Balita!
-Aris Ilagan