INILABAS ni Pangulong Duterte nitong Hunyo ang Executive Order No.3, na lumilikha ng Energy Investment Coordinating Council (EICC) na nakaugnay sa kanyang hangarin na mapabilis at mapadali ang pagpapatupad ng pangunahing mga proyekto para sa enerhiya. Walang sinayang na oras ang bagong konseho sa kanilang trabaho at agad na inilabas ng Department of Energy ang sertipiko ng Energy Project of National Significance (EPNS) sa Atimonan One Energy (A1E) at ilang bilang ng iba pang power projects nitong Setyembre 11.

Ang bagong mga power project ay tiyak na mahalaga sa pagtingin ng programang “Build, Build, Build” ng administrasyon. Ang mga bagong imprastruktura—kalsada at tulay, mga pambansang gusali, paliparan at pantalan, at marami pa—ay mangangailangan ng malaking bahagdan ng kuryente sa kanilang konstruksiyon at sa pagsisimula ng mga operasyon nito.

Bukod sa megawatts na maibibigay ng bagong mga planta ng kuryente sa bansa, makikinabang din dito ang mga lokal na komunidad, tulad ng pagbibigay ng trabaho sa mga lokal na residente. Sa Atimonan, pinangunahan ng pangulo ng Municipal Agricultural and Fisheries Council, Demosthenes Hernandez, ang protesta ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, residente at mga opisyal ng barangay sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang ipanawagan ang kanilang suporta sa A1E’s, 1,200-megawatt power plant.

Bukod sa Atimonan plant, pinagkalooban na rin ng sertipikasyon ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi ang Energy Project ng National Significance (EPNS) para sa isang wind power project sa isla ng Talim sa Binangonan at Cardona, Rizal; at ang isang geothermal project sa probinsiya ng Kalinga.

Ang mga proyektong nakapasa bilang mahalaga sa bansa ay mayroong capital investment na hindi bababa sa P3.5 bilyon, mayroong mahirap na technical process at engineering designs, at inaasahang makapagbibigay ng mahalagang ambag sa ekonomikal na pag-unlad.

Ang mabilis na aksiyon ng EICC sa proseso ng mungkahing bagong mga planta ng kuryente ay nagpapahiwatig ng pangangailangan ng pamahalaan ng malaking bahagdan ng kuryente para sa malawakang trilyong-pisong programang pang-imprastruktura na nagsimula na sa ilang bahagi ng bansa. Sa deklarasyon ng kanilang istatus bilang proyektong mahalaga para sa bansa, nararapat lamang na hindi na patagalin pa ang pagbibigay ng pinal na pag-apruba ng Energy Regulatory Commission.