Sinabi kahapon ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na gagawin na lang nilang “one step at a time” ang mga ikakasa nilang hakbangin bago magpasya kung ipagpapatuloy ang court martial proceedings laban kay Senator Antonio Trillanes IV.

Ito ang inihayag ni Lorenzana isang araw makaraang magpalabas si Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Executive Judge Elmo Alameda ng warrant of arrest laban kay Trillanes sa kasong rebelyon.

Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Jose Balajadia, si Chief Supt. Guillermo Eleazar, National Capital Regional Police Office (NCRPO), ang nagsilbi ng warrant at maayos namang sumama sa opisyal ang senador.

Mula sa Senado ay dinala si Trillanes sa Makati Police Station para sa booking procedures, bago dumiretso sa Makati RTC Branch 150 upang magpiyansa ng P200,000. Kaagad namang nagpalabas ng release order si Judge Alameda.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Gayunman, sinabi ni Lorenzana na hihintayin muna ng DND ang pasya ng Korte Suprema sa legalidad ng proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Trillanes bago nila gawin ang susunod na hakbangin.

“We will take this one step at a time baka technical tayo. So arrest muna then wait for further development,” sabi ni Lorenzana, na una nang nagsabi na kaagad nilang isasailalim sa court martial ang senador matapos na bawiin ng Presidente ang amnestiya nito.

Makaraang lumabas ang nasabing proklamasyon ay naghain ang Department of Justice ng petisyon sa dalawang korte sa Makati para sa mga kasong rebelyon at kudeta ni Trillanes, kaugnay ng Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula siege noong 2007.

Ang Makati RTC Branch 150 ang humahawak sa kasong rebelyon ni Trillanes, habang dinidinig pa ng Makati RTC Branch 148 ang kasong kudeta ng senador.

Kaugnay nito, sasagutin ng Department of Justice (DoJ) ang pahabol na komento ni Trillanes sa RTC Branch 148 na dapat ay ang prosekusyon o ang Do Jang magpatunay na hindi nga siya nakapagsumite ng amnesty application.

Sinabi ni DoJ acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na may limang araw ang kagawaran para sagutin ang nasabing komento ni Trillanes.

-FRANCIS T. WAKEFIELD, ulat ni Beth Camia