KAHAPON ang 52nd birthday ni ex-Senator Bong Revilla, Jr at limang taon na niya itong ipinagdiriwang sa loob ng Custodial Center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City.

Luigi, Jolo, at Bryan_NEW copy

Iisa ang birthday wish ng lahat para kay Bong, na sana ay makalaya na siya at makapiling na siya ng kanyang pamilya niya.

Ito rin ang pahayag ng tatlong anak ng dating senador, sina Bryan, Jolo at Luigi Revilla, sa presscon ang action trilogy film nilang Tres, na sana ay makalaya na ang kanilang ama.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

“Sana kasama namin siya ngayon dito. For the past few films that we did with Imus Productions, kasama namin lagi siya, eh. And the fact na hindi namin siya kasama, medyo iba ’yung feeling,” sabi ni Bryan.

Naikuwento naman ni Luigi na hindi nagpabaya ang kanilang ama kahit na nasa loob ito ng Crame. Regular sila nitong kinukumusta at hands-on ang dating senador sa pelikulang Tres. Araw-araw nga raw ay nagtatanong ito ng update lalo na sa script, editing, etc.

Kinumpirma ni Jolo ang sinabi ng kapatid, sinabing partikular na tinutukan ng ama ang script ng pelikula.

“Isang malaking sorpresa ito para sa kanya (Bong) dahil sobrang ganda ng pelikula at pinaghirapan ng lahat ng nagtrabaho para rito,” sabi ni Jolo.

Sinabi naman ng nakakuwentuhan naming taga-Star Cinema na totong maganda ang pelikula, at puwedeng makipagsabayan sa foreign action movies.

Nabanggit nga namin sa source namin from Star Cinema na ikinumpara namin ang “Virgo” episode ni Bryan sa Die Hard movie series ni Bruce Willis, at sumang-ayon siya.

“Exactly, tama ka dun. Pareho nga!”

Si Jolo ang bida sa episode na “72 Hours”, habang si Luigi naman sa “Amats”.

Sa Linggo, Setyembre 30, ang premiere night ng Tres sa SM Megamall Cinema 7, at inamin nang magkakapatid na masakit para sa kanila na hindi nila kapiling ang ama. First time kasi silang magkasama-sama sa pelikula at gusto sana nilang kasama nila ang ama.

Pero naniniwala sila na sa susunod nilang pelikula ay makakasama na nila si ex-Senator Bong sa pelikula, dahil malapit na itong makalabas sa kulungan.

Mapapanood naman ang Tres sa Oktubre 3 nationwide, mula sa direksiyon nina Richard Somes (“Virgo”) at Dondon Santos (“72 Hours” at “Amats”), produced ng Imus Productions at ire-release naman ng Cine Screen under Star Cinema. Leading ladies sa movies sina Assunta de Rossi, Myrtle Sarrosa at Rhian Ramos.

-Reggee Bonoan