ANG sinisisi ngayon ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa humahagibis na inflation o pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo ay ang pagtaas ng halaga ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.
Hindi siya naniniwala at maging ang kanyang economic managers na ang pagsikad ng inflation (6.4%) ay kagagawan ng TRAIN law nina Finance Secretary Carlos Dominguez, NEDA chief Ernesto Pernia at Budget Sec. Benjamin Diokno. Nahihirapan ang mga mamamayan, lalo na iyong tinatawag na nasa “laylayan ng lipunan” na sumasahod lang ng P520 minimum wage kada araw.
Halos sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, LPG at kerosene nitong nakalipas na linggo. Natatandaan ko pa noong ako’y bata at nasa aming baryo, ang ipinanggagatong ng aking ditse sa pagluluto ng kanin at ulam ay mga sanga at pinutol na kahoy.
Sa ngayon, umabot na sa P55-P57 kada litro ng gasolina. Ayon kay Mano Digong, ang nagpapataas sa inflation ay ang presyo ng oil o langis sa pandaigdigang pamilihan. Dati rati raw ay $43 bawat bariles ng crude oil pero ngayon ay $100 na.
Saad ng Pangulo: “Ngayon ay $100 per barrel na. Pag-uwi mo sa bahay, sakay ka sa kotse, aircon, ilaw, lahat ay gamit ng langis.” Sinabi ito ni PRRD sa Asia Pacific Association of Gastroenterology (APAGE) 3rd Inflammatory Bowel Disease Clinical Forum na ginanap sa Cebu City noong Biyernes.
Inamin ni PDu30 na siya ay sumailalim sa colonoscopy at endoscopy. Hindi niya sinabi kung kelan siya nagpa-colonoscopy at endoscopy, ngunit paniniyak ng Malacañang, malusog ang ating Pangulo at sabi nga ni presidential spokesman Harry Roque na siya”kasing-lakas ng toro.” Hoy, Joma Sison malakas at malusog ang Pangulo, walang arthritis na tulad mo.
Wala raw natural source ng fuel ang ‘Pinas tulad ng Indonesia, Malaysia at Brunei. Bagamat hindi sinisi ni PRRD ang Diyos sa kawalan natin ng oil, ganito ang badya niya: “God did not give it to us. He gave it to Indonesia, lots of it to Malaysia and Brunei. What’s our sin? Whatever why God made it that way, I really don’t know.”
Bulalas ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko at pilosopo: “Bakit ang Singapore na wala ring langis ay malusog ang ekonomiya? Maging ang China ay wala ring natural source ng fuel. Maging ang Thailand yata ay wala rin. Huwag kang magtaka Mr. President, nasa liderato iyan. Dati ay Number 2 tayo sa Japan sa ekonomiya, pero ngayon ay nasa ibaba na tayo, mas mataas lang nang bahagya sa Bangladesh.”
Nangunguna pa rin si Senator Grace Poe sa listahan ng mga kandidato sa pagka-senador na gusto ng taumbayan. Kasama niya sa Magic 12 sina Sen. Cynthia Villar, Rep. Pia Cayetano. Sen. Nancy Binay at Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni PRRD.
Nananatili sa laylayan ng Kulelat 24 sina SAP Bong Go, Harry Roque, at Francis Tolentino. Samantala, batay sa Pulse Asia survey, nasisiyahan ang mga Pinoy sa drug war ni Mano Digong. Pito sa 10 Pinoy o 78% ang kuntento sa paglaban niya sa illegal drugs. Sana ay iwasan lang ang extrajuducial killings, ang pagpatay sa walang kalaban-labang drug pushers at users. Ang dapat itumba ng mga tauhan ng PNP ay iyong shabu smugglers, suppliers, at drug lords!
-Bert de Guzman