GAYA ng Itogon sa Benguet at Naga City sa Cebu, ay marami pang lugar na may mga minahan sa iba’t ibang panig ng bansa ang animo mga “time bomb” na naghihintay lamang ng tamang oras upang sumabog at maghatid ng lagim sa mga nakatira rito kung hindi kikilos ang mga awtoridad para mai-defuse ang mga ito.
May iba namang lugar – gaya ng Aroroy sa Masbate -- na hindi nga “tumitiktak” na parang bomba, ngunit unti-unti namang ginagapang ng karit ni kamatayan ang mga naninirahan sa lugar dulot ng mga sakit na dala ng mga iresponsableng minero na sumisira sa kalikasan ng naturang lalawigan.
Ito ang magkakatugmang naging pahimakas ng mga resource speaker na dumalo sa Balitaan sa Maynila na ginanap noong Linggo sa Bean Belt Café sa Tinapayan Building, Dapitan Street, Sampaloc, Manila.
Ang paksang “Impact of Typhoon Ompong, disaster preparedness and response” ay hinimay ng mga dumalong awtoridad sa mga isyung ito, na sina: Local Government under secretary Epimaco Densing, Gerry Arances ng Center for Ecology, Energy and Development (CEE), Martin Aguda, isang eksperto sa larangan ng disaster preparedness and crisis management, at Malou Verano, tagapagsalita ng grupong “Ang Aroroy ay Alagaan” (4As).
Nang magkuwento si Madam Verano ng 4As – ang grupong binuo ng ilang taga-Masbate upang ipahatid sa awtoridad ang kalunus-lunos na kalagayan ng kanilang lugar -- ay halos iisa ang naging reaksyon ng mga mamamahayag na dumalo sa naturang news forum. Lahat ay kinakitaan ng pagkadismaya sa ‘di pagkilos ng pamahalaan sa abang kalagayan ng mga mamamayan ng Munisipalidad ng Aroroy.
Ani Verano, dahil sa iresponsableng pagmimina sa kanilang lugar, ang mga kababayan niya ay may mga karamdamang kapag hindi inagapan ng ating pamahalaan ay uubos sa mga nakatira sa kanilang munisipalidad. At ang lahat ng ito ay dulot ng maruming kapaligiran, na halos puno na ng lason na isinusuka ng mga minahan. Ang tubig ay ‘di na nila maiinom, magamit sa pagluluto at maging sa paliligo. Kinakailangan pa nilang bumili ng mga bottled water para sa pang-araw-araw nilang gamit.
Maagap naman sa pagsagot sa problemang ito si Usec Epi Densing – kasabay ng halos ‘di maputol niyang pag-iling sa madamdaming pagkukuwento ni Madam Verano. Inalo niya ito sa pamamagitan nang pagsasabing -- “Ibigay mo sa akin ang lahat ng dokumentong hawak ninyo at ipaparating ko ang buong problema ng bayan ng Aroroy sa mga kinauukulang dapat na humarap at umaksiyon dito!”
Tinuligsa naman ni Aguda ang pagiging “reactionary” ng ating pamahalaan sa mga problemang tulad ng naganap sa lalawigan ng Benguet at Cebu, na kung kailan dumapa na ang mga ito sa kalamidad dahil sa kapabayaan ng mga iresponsableng minero, ay saka pa lamang kumikilos para mapagtakpan ang pagkukulang sa mga nasalantang mamamayan.
Todo naman at paulit-ulit ang pagbabala ni Ka Gerry sa mga awtoridad na kumilos na hanggang maaga upang mai-defuse ang aabot sa 20 “time bomb” na lugar sa buong bansa, na aniya ay – “anumang oras ay maaaring sumabog at maghasik ng pinsalang mas grabe pa kumpara sa naganap sa Itogon, Benguet at Naga City sa Cebu!”
Ang isa sa mga lalawigan na “time bomb” na binanggit ni Ka Gerry ay ang Zambales, dahil halos dumapa na ang isang buong bundok dahil sa illegal na pagmimina na matagal kinunsinti ng mga awtoridad at ilang abandonadong minahan na maaaring gumuho at maging sanhi ng pagbaha.
At ito naman ang masamang nasagap ko – may mining company na pinahintulutan ulit magmina ng ferro-nickel sa Zambales – at ang tanong: “Responsable ba ang kumpaniyang ito, at kung oo, eh sino naman kaya ang nagsabi?”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.