SA ginanap na viewing party para sa music video ni Lance Raymundo na #YATO o You Are The One ay naroon ang kuya niyang Rannie Raymundo para sumuporta.

Lance at Rannie

Dalawang magkapatid lang sina Rannie at Lance kaya todo ang suporta nila sa isa’t isa.

Si Rannie ay sumikat nang husto noong ‘90s dahil sa awitin niyang Nag-iisang Bituin, na ginawang titulo ng pelikula nina Aga Muhlach, Christopher de Leon at Vilma Santos noong 1994, at ang walang kamatayang Why Can’t It Be na hanggang ngayon ay kinakanta pa rin sa iba’t ibang bersyon at marami pang iba.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Bakas sa mukha ni Lance ang kasiyahan dahil sa pagiging supportive kuya ni Rannie.

“The way I look up to Rannie as a musician, I think he also looks up to me as an actor naman. So talagang we complement each other in our talents,” kuwento ni Lance.

“I’ve actually seen kuya act also and I was so surprised because he’s great. Nagugulat din siya siguro na when I made music maganda rin pala so that’s how we surprised each other. But then, kuya is the singer in the family. Ako ‘yung artista. So I’m kind of visiting his domain now by releasing You Are the One again.”

Oo nga, mas nakilala si Lance bilang indie actor sa mga pelikulang nilabasan niya gaya ng Estorika: Maynila (2014), A Thief, A Kid and A Killer 2014); Manang Biring (2015); Gemini (2014); Matangtubig (2015) at iba pa.

May talento rin sa pagkanta si Lance kaya sinubukan na rin niyang pasukin ang mundo ng musika, at sundan ang yapak ng kuya niya.

Pag-amin nga ni Rannie, maganda raw ang bersiyon ng kapatid niya sa awiting Why Can’t It Be at mas mataas ang boses nito kaysa kanya.

At kahit na parehong lalaki sina Rannie at Lance ay hindi raw sila nag-away ni minsan.

“Weirdo na nga kami eh. Kami ‘yung magkapatid na never nag-away. We are sobrang yin and yang. We are so different and that makes us so much the same. It’s weird. Merong mga bagay na sa buong mundo, isang milyong tao, merong isang bagay na kaming dalawa lang ang matatawa. Tawang-tawa kami, kayo magtataka kayo kung anong nakakatawa du’n,” kuwento ni Rannie habang nangingiting nakikinig si Lance.

“We’ve always been close. Never kami nag-away. In fact sometimes we’re so connected na pati ‘yung galaw namin sabay na sabay. One time napaupo kami sabay ‘yung dekuwatro, sabay ‘yung bukas ng diyaryo. Parehong napatingin kami, ‘Did you see that?’ Parang ganu’n.”

Naibahagi rin ni Rannie na noong naaksidente ang kapatid niyang si Lance sa gym at nasira ang mukha nito ang pinakamasakit na nangyari sa buong buhay niya, sobra niya itong dinamdam na dumating pa sa puntong sinabi niya na, “sana ako na lang ‘yun”.

Apat na taon na ang nakararaan pero hindi pa rin ito nakakalimutan ni Rannie, dahil may mga gabing napapanaginipan niya ang aksidente.

“It was the worst time of my life. Just a month ago, I woke up in the middle of the night dahil nag-flashback sa akin. Tumayo ako. nagkape ako at lumabas ako sa balkonahe. Nakakabit pa rin sa akin because you know you are a protective kuya pero wala kang magawa.

“Du’n ko na-experience ‘yung hindi literal pero du’n ko na-experience ‘yung tunay na sakit. Hindi mo maagaw ‘yung sakit. Hindi ko makuha. Pero ‘yung healing niya was phenomenal.

“Almost Wolverine-like kasi naalala ko nu’ng tinanggal ‘yung stitch, napamura ‘yung doktor eh. Nawala na ‘yung scar niya. Me also, ‘pag nasugatan ako na malaking hiwa, the next day it’s just a line tapos by the third or fourth day wala na. Mala-Wolverine kami,” kuwento ni Rannie.

Dagdag kuwento ni Lance, alam niya kung ano ang pinagdaanan ng pamilya niya nang mangyari ang aksidente.

“I know for a fact that my family suffered more than I did during that ordeal. Mine is only physical pain. Sa kanila, it’s emotional torture seeing someone you love in pain. That’s harder.”

Samantala, aminado si Lance na ang Kuya Rannie niya ang naging inspirasyon niya pagdating sa musika.

“I’d say na medyo malaki talaga influence niya. Very big. In fact, I have an idol and naging idolo ko siya because of my brother.

“I idolize Prince the musician. I only discovered Prince because my brother kind of forced him onto me when I was a kid so when I grew up naging idol ko. So, I admit na talagang giant ‘yung influence ni kuya sa akin and I’m proud of it.”

Malaking pressure rin daw kay Lance na sundan ang success ng kantang Why Can’t It Be ng Kuya Rannie niya.

“The first time around, yes. ‘Yung unang labas ng You Are the One na mas bata ako, I would honestly say na merong pressure. Pero now that we’re mature, we’re older, it’s all about enjoying the gift eh. Kaya mas kalmado ako ngayon”.

As of now ay pinatutugtog ang #YATO sa Energy FM.

Natanong din namin ang tungkol sa lovelife ni Lance dahil sabi nga ni Rannie ay hindi nagmana sa kanya ang kapatid niya na mahilig mag-appreciate ng beauty.

“Ano ito, eh, matagal makipagrelasyon,” biro ni Rannie.

“I’m single right now. And the last relationship I had was two years ago. Being single, I discovered that I’m a happy person maybe because I’m raised in a family full of love. And I’m fulfilling myself as an individual,” seryosong saad ni Lance.

Birong hirit pa ni Rannie, “Dapat ‘to nag-pari, eh. Sobrang mabait.”

Sinigurado rin ni Rannie na walang on the side si Lance dahil sa iisang building lang sila nakatira at lagi silang nagkikita kapag dadaan sa harap nila ang binata patungo sa sarili nitong unit.

-REGGEE BONOAN