Sa layuning maibsan ang matinding epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin, ipinalabas ni Pangulong Duterte ang Administrative Order No. 13 na nag-aalis sa mga non-tariff barriers at pinasimple ang mga proseso sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural upang matiyak ang sapat na supply nito sa bansa.
Sa nasabing order na nilagdaan nitong Setyembre 21, iginiit ng Pangulo na mayroong “urgent need” upang matigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa pagpapahintulot sa importasyon para masolusyunan ang kakapusan ng supply sa bansa.
Sa bisa ng order, pinahihintulutan ang National Food Authority (NFA) Council na aprubahan ang karagdagang rice importation nang higit sa minimum access volume (MAV) allocation sa pribadong sektor.
Inatasan din ang Department of Agriculture (DA) na magpalabas ng kinakailangang sertipikasyon upang mapahintulutan ang pag-aangkat ng bultu-bulto ng isda para madagdagan ang 17,000 metriko tonelada ng isda sa merkado.
Dapat din na gawing prioridad ng Bureau of Customs (BoC) ang paglalabas ng mga inangkat na produktong agrikultural, alinsunod sa nasabing order.
Itinalaga rin ng Pangulo ang DA at Department of Trade and Industry (DTI) para magsagawa ng mga kinakailangang hakbangin upang mapag-ibayo ang logistics, transportasyon, pamamahagi, at pag-iimbak ng mga produktong agrikultural nang mabawasan ang input costs.
Inaprubahan din ng Pangulo ang pagbuo ng “surveillance” team ng DTI, NFA, National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) upang magsagawa ng monitoring sa importasyon at pamamahagi ng mga produktong agrikultural sa mga lehitimong bodega at tindahan.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na bilang bahagi ng NFA Council, maaari nang direktang mag-angkat ng bigas ang DTI, at hindi lang broken rice ang maaaring i-import kundi maging commercial rice.
Bagamat hindi kapos ang commercial rice sa merkado, sinabi ni Roque na makatutulong ang karagdagang supply nito upang mapababa pa ang presyo nito at higit na maging abot-kaya ng mga mamimili.
-Genalyn D. Kabilingat Bella Gamotea