BANGKOK (AP) — Ang trade conflicts, tumataas na utang at potensiyal na epekto ng tumataas na interest rates sa United States ang magpapabagal sa paglago sa susunod na taon, sinabi ng Asian Development Bank (ADB) kahapon sa update ng regional economic outlook report.

Sinabi ng Manila-based regional lender na inaasahan nitong mananatili ang economic growth ng Asia sa 6.0 porsiyento sa 2018 ngunit bababa sa 5.8 porsiyento sa susunod na taon.

Binanggit nito ang namumuong financial at trade shocks na pinakamalaking pagmumulan ng posibleng problema. Kapag nagpakita ang U.S. economy ng mga senyales ng overheating, mataas na interest rate ng Federal Reserve, kabilang ang inaasahan ngayong araw na pagpalo ng benchmark rate sa 2-2.25 porsiyento, guguluhin nito ang currency markets at iba pang capital flows, na magreresulta sa mga problema sa bad loans.

Tataas din ang presyo ng pabahay sa China, Hong Kong, Malaysia at South Korea, saad sa ulat.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Ngunit ayon dito, magmumula ang mas malaking banta sa potensiyal na pagkasira sa supply chains dulot ng trade conflicts, lalo na sa pagitan ng U.S. at China.

Itinuloy ni President Donald Trump nitong Lunes ang pagpataw ng mas mataas na taripa sa $200 bilyon ng Chinese imports. Gumanti ang China sa pagpataw ng penalty sa $60 bilyon sa mga kalakal ng U.S.

Sa kabila nito, ayon kay ADB chief economist Yasuyuki Sawada, lumalaki ang merkado ng Asia at ang pagpapalawak ng kalakalan sa loob ng rehiyon ay makatutulong para mapunan ang mga nawalang exports sa U.S.

“Intraregional trade in Asia is as high as almost 50 percent of total trade and this seems to be increasing over time,” aniya sa The Associated Press. “Asia used to be a global factory and everyone viewed Asian economies as suppliers, but if we look, more than half of the global middle class is living in Asia.”

Gayunman, nakasaad sa ADB report na ang mahabang trade conflict ay makasisira sa kumpiyansa at magtataboy ng investment, kapwa sa rehiyon at sa buong mundo, lalo na kapag lumawak ito sa auto trade.