Nabawasan ng 13 puntos at 15 puntos ang approval at trust ratings ni Pangulong Duterte sa resulta ng bagong “Ulat ng Bayan” survey ng Pulse Asia kahapon.
Sa nationwide survey na isinagawa nitong Setyembre 1-7, 2018 sa 1,800 respondents, lumalabas na 75 porsiyento ng mga Pilipino ang nagpahayag ng pagsang-ayon habang 10% ang hindi kuntento sa trabaho ni Pangulong Duterte sa nakalipas na tatlong buwan.
Higit itong mas mababa kumpara sa 88% noong Hunyo 2018.
Lumabas din sa pag-aaral na 72% ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa Pangulo, habang 9% ang walang tiwala sa kanya sa nakalipas na tatlong buwan. Mas mababa ito ng 15% kumpara sa nakuha niyang 87% noong Hunyo 2018.
Sa kaparehong panahon ng survey, nakakuha naman si Vice President Leni Robredo ng 61% approval rating, habang si Senate President Vicente Sotto III ay may 73%.
Nakuha rin ng dalawang opisyal ang mayorya ng trust rating na 56% para kay VP Robredo, at 66% kay Senador Sotto.
Samantala, halos kaparehong rating din ang nakuha ni acting Chief Justice Antonio Carpio, na may 42% approval at 33% trust rating.
Nakakuha naman ng pinakamababang trust rating si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, na may 19%, mula sa limang pangunahing opisyal ng pamahalaan.
-Ellalyn De Vera-Ruiz