Hinikayat ang kabaataan, bumubuo sa 45 porsiyento ng mga botante, na ipadama ang kanilang pagiging makabayan sa paghabol sa deadline ng voter’s registration sa Setyembre 29 na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2019 midterm elections.
Naglabas ng apela ang Department of Interior and Local Government (DILG) kasabay ng pagkilala sa mahalagang papel ng kabataan sa nation building.
Hiniling ni DILG Spokesperson, Assistant Secretary Jonathan E. Malaya ang mga kabataang Pinoy na nasa edad 18 anyos pataas na maglaan ng oras at magtungo sa local Comelec offices para mag-apply sa new registration o reactivation sakaling deactivated na ang kanilang record dahil sa kabiguang makaboto sa dalawang magkakasunod na eleksiyon.
Hinimok din niya ang mga bagong halal na Sangguniang Kabataan (SK) officials na hikayatin ang kapwa nila kabataan na magparehistro bago ang Setyembre 29 para makaboto sa Mayo 13, 2019.
“Your vote on May 13 will have lasting impact on the political and socioeconomic future of our localities and our country,’’ diin ni Malaya.
“So be sure to be a registered voter for the May 13 polls. Do it for yourself, for your family and friends, for our country. Sabi nga nila #YOLO, you only live once. And every three years, #YOVO, you only vote once for national and local elections,” idinagdag niya.
-Chito A. Chavez