Binawi ni Ombudsman Samuel Martires ang suspension order na inilabas ng hinalinhan niyang si Conchita Carpio-Morales laban sa siyam na alkalde ng iba’t ibang bayan kaugnay ng paglabag ng mga ito sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

“The suspension orders with respect to the mayors were recalled because there is a need to further study or for Congress to revisit the law on solid waste management,” pahayag ni Martires, kahapon.

“I don’t want to rely on my own studies, but I saw that the law is economically not feasible to be implemented especially by fifth and sixth class municipalities,” dagdag nito.

Ikinatwiran nito, kinakailangan muna ng 5th o 6th class municipalities ng P13 milyon upang maisara ang isang open dump site, partikular na ang limang ektaryang dumpsite.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kinakailangan din, aniya, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P50 milyon upang makalikha ng sanitary landfills.

Sinabi ni Martires na mahihirapan din ang mga lokal na opisyal na makaipon ng nasabing pondo.

“If this happens, baka wala nang matirang mayor or vice mayor sa mga fifth class and sixth class municipalities dahil sa kawalan ng pera to close an open dumpsite,” aniya.

Binawi ni Martires ang suspensiyon nina Tabaco City, Albay Mayor Cielo Krisel Lagman-Luistro, Vice Mayor Nestor Tabinas San Pablo, at siyam na iba pa; Polangui, Albay Mayor Cherilie Sampal at apat na bokal; Trece Martires City, Cavite Mayor Melandres Granado De Sagun, at 11 iba pa.

Pinawalang-bisa na rin ang suspensiyon sa yumaong si Daraga, Albay Mayor Gerry Jaucian at limang iba pa; Bambang, Nueva Vizcaya Mayor Flaviano Dizon Balgos Jr.; limang bokal at isa pang opisyal ng Kawit, Cavite; Silang, Cavite Mayor Emilia Lourdes Poblete, at walong iba pa; tatlong bokal at environment officer ng Paombong, Bulacan.

Hindi na rin sususpendihin sina Abucay, Bataan Mayor Ma. Kristine Dela Fuenta, at apat na bokal; Rizal, Palawan Mayor Norman Ong, at dalawa pang opisyal; at Bato, Leyte Mayor Nathaniel Gertos, Vice Mayor Roderick Rances, at pito pang opisyal.

-Czarina Nicole O. Ong