Naghain na ng komento sa Korte Suprema ang Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay ng petisyon ni Senador Antonio Trillanes IV laban sa Proclamation No. 572 na bumabawi sa kanyang amnestiya.

Sa 200 pahinang komento, hiniling ng SolGen na ibasura ang petisyon ni Trillanes at ikinatwirang inamin mismo ng kampo ng senador sa pagdinig ng Makati RTC Branch 148 noong Setyembre 13 na wala siyang aplikasyon at walang pag-amin ng pagkakasala kaugnay ng mutiny at kudeta na mga kasong isinampa laban sa kanya noong 2003 at 2007.

Ang tanging isinumite umano ni Trillanes sa hukuman ay ang kopya ng application form na wala namang laman.

Dahil dito, sinabi ng SolGen na lalong pinagtibay ng senador ang batayan sa pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng proclamation No. 572, na nagpapawalang-bisa sa iginawad na amnestiya kay Trillanes buhat pa sa simula dahil sa kawalan ng pag-amin sa panig ng senador.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ipinunto pa ng SolGen na simula nang manatili sa Senado si Trillanes noong Setyembre 3 ay wala sa listahan ng mga bisita ng Senado ang isang Atty. Jorvino Angel hanggang Setyembre 5, ang petsang nakasaad na nanotaryohan ang petisyon ni Trillanes.

Si Atty. Angel ang nakapirma sa notaryo sa petisyon na inihain ni Trillanes sa kataas-taasang hukuman.

Ipinunto pa ng SolGen na kapag nagpanotaryo ay kailangang personal na panumpaan ng nagpapanotaryo sa harap ng abogado ang mga dokumento.

Tiwala pa rin si Trillanes sa pagiging neutral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mababang hukuman.

Malaki, aniya, ang naitulong sa kanya ng AFP sa pagkalap ng mga dagdag na ebidensiya para patunayang dumaan siya sa normal na proseso, taliwas sa ipinalalabas sa pagbawi ng kanyang amnestiya.

Ang tinutukoy ni Trillanes ay ang sinumpaang salaysay ni Col. Josefa Berbigal, ng Judge Advocate General’s Office (JAGO) na nagpapatunay na tinanggap niya ang mga dokumento sa kanyang pag-apply sa amnestiya.

-Beth Camiaat Leonel M. Abasola