LIMANG taon ang nakalipas matapos na ideklara ng Korte Suprema noong Nobyembre 2013 na labag sa batas ang pondo ng “pork barrel” ng mga kongresista at senador, na saklaw ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa General Appropriations Act, isang bagong “modus operandi” sa pambansang budget ang nabunyag ngayon habang tinatalakay ang panukala sa Kamara de Representantes.
Sa ilalim ng PDAF, binibigyan ang mga kongresista ng P70 milyon halaga ng proyekto, habang ang mga senador ay may P200 milyon sa pambansang budget. Makaraan ng desisyon noong 2013, ‘tila nais panatilihin ng mga mambabatas ang sistema sa pamamagitan ng lump sum sa panukalang budget na kalaunan ay gagamitin upang pondohan ang kanilang mga espesyal na proyekto sa pamamagitan ng kasunduan kasama ang ilang kagawaran ng ehekutibo.
Nakalaan ang budget sa pagsasakatuparan ng mga plano ng pamahalaan para sa susunod na taon, bawat ahensiya ay nagsusumite sa Malacañang ng kani-kanilang panukalang proyekto na popondohan para sa pagpapatibay ng National Expenditure Program. Isinusumite ito ng Department of Budget and Management sa Kongreso at nagiging basehan para sa General Appropriations Bill, na pinagdedebatehan at inaaprubahan ng Kongreso.
Alinsunod sa Konstitusyon, hawak ng Kongreso ang “power of the purse.” “ All appropriation, revenue, or tariff bills, bills authorizing increase of the public debt, bills of local application, and private bills shall originate exclusively in the House of Representatives, but the Senate may propose or concur with amendments.” (Section 24, Article VI, Legislative Department).
At dahil sa kanila nakatalaga ang tungkulin para sa pag-aapruba ng pambansang budget, naniniwala ang mga kasapi ng Kongreso na hindi lamang sila basta mag-aapruba ng anumang ihain ng DBM. Nakikita ng mga senador, bilang hinalal sila ng buong bansa, ang budget bilang kasangkapan sa pangkabuuang pagpapaunlad ng bansa. Nais naman tiyakin ng mga kongresista, na inihalal na kani-kanilang distrito, na ang kanilang sariling distrito, probinsiya o rehiyon ay hindi mapag-iiwanan sa total development program na ito.
Ngayong taon, iginiit ni Senador Panfilo Lacson, na hindi kailanman naghangad ng kanyang bahagi sa “pork”, na kasama sa kasalukuyang mungkahing budget na P3.7576 trilyon ang nasa P51 bilyon isiningit ng mga mambabatas. Sinasabi niyang isa sa mga rason kung bakit nais ng ilang mambabatas ang “pork” ay dahil nakakakuha umano ang mga ito ng 10 porsiyentong komisyon mula sa mga contractor ng kani-kanilang proyekto.
Nangako sina Senador Lacson at si Senate Minority Leader Franklin Drilon na sisiyasatin nilang mabuti ang mga lump sum sa budget at ibabasura ang mga bagay na isiningit na hindi umaayon sa mga prioridad na inilatag sa national economic plan ng administrasyon. Mangangailangan ito ng maingat na pagsusuri, lalo’t sangkot dito ang daan-daang proyekto na may kabuuang P51 bilyon.
Tunay namang mahirap ipasa ang isang budget na walang mga proyekto na tanging ang isang mambabatas lang at kanyang distrito ang may pakinabang. Ngunit kailangan itong aksiyunan, hindi lang ng mga senador na tulad nina Lacson at Drilon, kundi ng mga mambabatas na naghahangad na matuldukan na ang dating gawi at siguraduhin, hanggang maari, na ang pondo ng pamahalaan ay mapupunta sa mga tunay na prioridad na proyekto na may kaugnayan sa mga plano sa pagpapaunlad ng bansa.