WALA nang makapipigil sa atletang Pinoy na mapabilang sa National Team.
Isinulong ng mga miyembro ng House Committee on Youth and Sports Development ang panukalang batas na magbibigay ng karapatan sa atletang Pinoy na magsilbi sa bansa bilang bahagi ng National Team.
Batay sa panukala (“Athletic Rights to Represent the Philippines Act”) na inakda ni Committee Vice Chairperson Rep. Cristina Roa-Puno (1st District, Antipolo City) at Deputy Speaker Pia Cayetano, binibigyan nang karapatan ang bawat Pinoy na maging eligible athlete sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malayang makapag-try out, magsanay at makalahok sa lokal at international competitions bilang kinatawan ng bansa.
Saklaw ng panukala ang lahat ng Filipino athletes, kabilang ang miyembro ng alinmang athletic association, sports organization, club teams maging amateur o professional.
Sa ginawang pagdinig kamakailan, kinilala ni Roa-Puno, dating sports newscaster, ang mahalagang papel ng mga paaralan at accredited athletic associations sa pagkakaloob ng oportunidad sa student athletes, at pagtiyak sa kanilang proteksion sa larangan ng kani-kanilang amateur sports.
Ikinalulungkot ni Roa-Puno ang katotohanan na maraming atleta ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na maging kinatawan ng National Team dahil sa matagal nang sistema na ‘bata-bata system’.
“Marami tayong natatanggap na reklamo na hindi pinapayagan na mag-try out ang atleta dahil hindi siya miyembro ng affiliated organization ng isang national sports association. Hindi puwede ito, bawat atleta ay may karapatan na maging National player sa pamamagitan ng try out. Hindi sila puwedeng ma-deny,” pahayag ni Cayetano, matagal nang sumusuporta sa pang-aabuso ng mga sports officials sa atletang Pinoy.
Iginiit ni Cayetano na hindi dapat nadadamay ang mga atleta sa hidwaan ng mga sports officials, higit sa leadership dispute sa nga National Sports Association (NSAs).
Sa kasalukuyan, halos isang dosenang NSAs ang dumaranas ng kaguluhan dahil sa pag-aagawan ng mga lider sa pamumuno, kabilang ang swimming association.
Matagal nang inirereklamo ni dating Olympian Susan Papa, pangulo ng Philippine Swimming League, ang ginagawang pagpigil ng Philippine Aquatics and Swimming Association Inc, na pinamumunuan ni Lani Velasco sa mga atleta ng PSL na makilahok sa tryouts.
Sa record, matagumpay sa international competition ang mga batang swimmers ng PSL, ngunit bigo itong makasali sa FINA-sanctioned tournament dahil sa pagharang ng PASA.
“The best swimmers were left behind dahil sa sistema ng PASA. Open nyo ang tryouts para malaman kung sino ang dapat sa National Team,” sambit ni Papa.
-Bert de Guzman