Labing-anim na katao, kabilang ang isang babaeng senior citizen, ang inaresto sa anti-drug operation ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City, Malabon City, at Valenzuela City.

Sa report kay Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Gregorio N. Lim, unang naaresto sina Arturo Ravales, 28; at Roldan Gamboa, 36, kapwa taga-Feliza Bukid, Barangay Parada, Valenzuela.

Dakong 9:00 ng umaga naman nitong Linggo nang nadakip sa buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Sub- Station 10 ang mga suspek, na nasamsaman umano ng tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, at P300 marked money.

Dakong 11:00 ng umaga nitong Linggo nang dakpin sa Phase 10, Package 2, Bgy. 176 sa Bagong Silang, Caloocan sina Mariano Comita, 61; Rogelio Arbois, 27; Mamerto Estria, 47; Dario Villanueva, 48; Andrew Vergara, 34; at Demetrio Lamela, 43, pawang residente ng nasabing barangay.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Base sa report, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-3 sa lugar nang matiyempuhan umano ang mga suspek na nagka-cara y cruz kaya pinagdadampot ang mga ito.

Matapos kapkapan, nakuha umano sa mga suspek ang apat na plastic sachet ng shabu.

Sa Malabon City, inaresto ang walong katao habang bumabatak umano ng shabu sa pagsalakay ng mga awtoridad sa sinasabing drug den sa lungsod, dakong 5:00 ng hapon nitong Linggo.

Kinilala ang mga inaresto na sina William Ratiansila, 40; Cora Cordero, 60; Darwin Valencia, 34; Gary Salvador, 23; Reggie Marquez, 38; Ranel Belen, 50; Darnel Armesis, 36; at Alexis Buongo, 26, pawang taga-Bgy. Longos.

Narekober umano mula sa mga suspek ang limang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Sinampahan na ng mga kaukulang kaso ang 16 na naaresto.

-Orly L. Barcala