“SI Pangulong Duterte ang talagang destabilizer. Hindi siya commander in chief kundi destabilizer in chief. Siya ang nagpapahina sa demokrasya ng bansa at sa iba pang institusyon ng gobyerno, ekonomiya, presyo ng bigas at mga pangunahing pangangailangan,” nasabi ito ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang talumpati sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila, bilang kasagutan sa bintang ng Pangulo na nagpaplano ang mga kaaway ng gobyerno para patalsikin siya, kaya dine-destabilize nila ito.
“Nakagawa ng makabuluhang hakbang ang Pangulo sa kanyang war on drugs, kriminalidad at kurapsiyon. Maraming Pilipino ang sumasang-ayon na kapag mapayapa at maayos ang bansa, buhay ang ekonomiya. Bumaba na ang bilang ng mga walang trabaho maging ang kriminalidad,” sabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
May pinaghuhugutan si Roque nang ihayag niyang nakagawa ang Pangulo ng mahahalagang hakbangin sa war on drugs nito. Ayon kasi sa survey ng Social Weather Station (SWS), 78 porsiyento sa mga Pilipino ang kuntento sa war on drugs at 13 porsiyento ang hindi kuntento. Ang survey ay ginawa mula Hunyo 27 hanggang 30.
Kung totoo ang survey ng SWS, sinasang-ayunan ng nakararaming Pilipino ang nangyayaring patayan sa pagpapairal ng Pangulo ng kanyang war on drugs. Sinasang-ayunan din nila ang walang tigil na pagpasok sa ating bansa ng mga ilegal na droga. Higit sa lahat, sinasang-ayunan nila ang pagpatay sa mga gumagamit at tulak ng droga, na pawang mahirap, samantalang sinasang-ayunan nila na walang nangyayari sa mga reponsable sa pagpupuslit ng bultu-bultong droga na bilyun-bilyong piso ang halaga.
Nakakabagabag ito. Iilan ang kumikita at nagpapasasa sa kahinaan ng nakararami. Napakahina nila dahil kahit pinapatay na sila ay hindi sila tumitigil sa paggamit at pagtutulak ng ilegal na droga. Gamot nila ito para maparalisa nila ang kanilang katawan at hindi makaramdam ng kagutuman.
Pinagkukunan din nila ito ng kahit kaunting salapi para malamanan ang kanilang sikmura. Pero kahit nakadelihensiya sila, sa anumang paraan, naghihirap pa rin sila para mapagkasya ang kanilang kinita. Pipila sila sa lugar kung saan nagbebenta ng NFA rice at magtitiis silang mag-ikot sa mga pamilihan para makahanap ng murang produktong mabibili mula sa kapiranggot na perang tangan nila.
Gusto ng mamamayan ang war on drugs, pero gusto rin ba nilang maghirap at magutom? Ang programa ng gobyerno ay wakasan ang droga, pero wala naman itong programang pang-ekonomiya para mapabuti ang buhay ng tao. Wala itong makabuluhang hakbang para mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Ang salarin dito ay ang TRAIN at walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Matapang si Pangulong Digong sa kapwa niya mga Pilipino lalo na iyong mga dukha, pero hindi niya magalaw ang mga dambuhalang kumpanya ng langis na buong layang sinasakal ang sambayanan. Sila ang katulong ng Pangulo sa mistulang pagde-destabilize sa kanyang gobyerno.
-Ric Valmonte