SA Rizal, lalo na sa pamahalaang panlalawigan, mahalaga ang ika-26 ng Setyembre sapagkat ipagdiriwang sa araw na ito ang ikalimang anibersaryo ng YES (Ynares Eco System) To Green Program. Ang selebrasyong ito ay pangungunahan nina Rizal Governor Nini Ynares, Vice Governor Rey San Juan, Jr. at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Kasama rin sa pagdiriwang ang mga mayor ng 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan, mga opisyal ng barangay, mga guro, mga mag-aaral, mga environmentalist, at iba pang mga panauhin na may malasakit sa kapaligiran at sa ating Inang Kalikasan.
Ang YES To Green Program ay flagship project ni Gov. Nini Ynares na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. May anim na component ang YES To Green Program ,tulad ng cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recycling o tamang waste management, environmental protection, at tourism.
Sa pagtatanim ng mga puno, nakatutulong ito na maging malinis ang hangin, mabawasan ang epekto ng climate change, magkaroon ng pagkain, at maiwasan ang soil erosion o pagguho ng lupa. Nakatutulong naman ang recycling sa mamamayan sa pinansiyal na aspeto.
Inihudyat ang simula ng pagdiriwang sa paglulunsad ng medical-dental-opthal mission sa Barangay San Andres, Tanay, Rizal noong Setyembre 22. Kabilang sa mga naging recipient ng libreng gamutan ay ang mga katutubong Dumagat sa bundok ng Tanay. Nagkaroon din ng province-wide tree planting at clean-up drive.
Bukas, ika-26 ng Setyembre, tampok na bahagi ng pagdiriwang ng YES To Green Program ang medical-dental mission sa mga ospital ng probinsiya sa Angono, Binangonan, Morong at Montalban. Makikibahagi sa libreng gamutan ang mga medical team ng nasabing mga ospital.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagbubukas ng tiangge sa compound ng kapitolyo at ang awarding ceremony o pagkakaloob ng gantimpala sa mga nagwagi sa inilunsad na timpalak tungkol sa YES To Green Program. Gagawin ang awarding ceremony sa Ynares Center. Pangungunahan ito nina Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Jun Rey at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Magiging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagbubukas ng mga ilaw ng malaking Christmas tree na nasa tabi ng Kapitolyo. Ang mga ginamit sa higanteng Christmas tree ay mga recycled material. Kasabay nito ang pagbubukas rin ng mga ilaw ng Christmas tree sa 13 bayan at isang lungsod sa Rizal na nasa harap ng munisipyo. Ang mga naturang Christmas tree ay yari rin sa recycled materials.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang “Spoken Word Poetry” o timpalak sa pagbigkas ng tula. Ginanap ito sa SM Masinag noong Setytembre 19. Bawat bayan sa Rizal at ang Lungsod ng Antipolo ay may isang kalahok sa nasabing timpalak bigkasan.
Sa pagdiriwang na ito, naniniwala si Gov. Nini Ynares na ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga Rizalenyo ay patunay na may malasakit ang mamamayan sa kapaligiran at sa ating Inang Kalikasan.
-Clemen Bautista