Siniguro kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na sasampahan ng kaso ang pro-Duterte blogger na si Drew Olivar kaugnay ng pagpo-post nito ng bomb scare sa Facebook.

Kakasuhan ng paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law ang blogger na una nang humingi ng tawad sa kanyang ginawa, sa press conference na inorganisa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Sabado.

“I think si Drew Olivar has already learned his lesson and he will be charged for violation of PD 1727 o ‘yung Anti-Bomb Joke [Law],” ani Albayalde.

Nitong Sabado, kasama ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson, kusang sumuko si Olivar kay NCRPO Director General Guillermo Eleazar para sa imbestigasyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-ugat ang isyu sa naging post ni Olivar nitong Huwebes, Setyembre 20: “Ayyy nakakatakot naman magRALLY sa EDSA, kasi may kumakalat na baka maulit daw ‘yung pagbomba kagaya ng PLAZA MIRANDA!! [K]ung ako sa inyo hindi na ako pupunta.”

Ipinost ang pahayag isang araw bago ang paggunita ng ika-46 na anibersaryo ng martial law declaration nitong Biyernes, kung saan iba’t ibang grupo ang nagmartsa para sa protesta.

Sa kabila ng paliwanag ni Olivar na “in good faith” umano ang kanyang post, sinabi ni Eleazar na dapat ay idinirekta niya ang kanyang pangamba sa mga awtoridad.

Samantala, hinihintay na lang umano ni Albayalde ang report ni Eleazar hinggil sa insidente. Pinabulaanan din ng PNP chief na binigyan ng special treatment ang blogger nang magsagawa ng press conference ang NCRPO.

“Hindi lang siya maaresto during that time kasi nangyari na ‘yun matagal na, but he will be charged formally for violation of PD 1727,” paliwanag ni Albayalde.

-MARTIN A. SADONGDONG