NAPIGIL ng BanKo Perlas Spikers ang huling hirit ng Petro Gazz Angels upang maisubi ang ikalawang sunod na panalo tungo sa maagang pangingibabaw sa Premier Volleyball League (PVL) 2 Open Conference, 25-22, 25-17, 22-25, 25-17, nitong Linggo sa Imus City Sports Center sa Cavite.

Matapos ipanalo ang unang dalawang sets, nasingitan ang Perlas Spikers sa third set ng Petro Gazz para paabutin ang laro hanggang fourth set.

Naiwan ang BanKo sa 0-7 sa simula ng fourth bago nagsanib puwersa sina Joy Dacoron at Dzi Gervacio upang makahabol at tuluyang maagaw ang bentahe sa 16-11 at tuluyang angkinin ang panalo.

“Medyo nag-relax kami noong third set hanggang noong fourth set nga eh,” ani BanKo coach Ariel Dela Cruz.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

“Pero naka-recover naman. Alam naman nila na hindi natatapos ang volleyball sa two sets lang. Siguro kailangan din namin ng mga ganitong karanasan para mahasa ‘yung team,” aniya.

Muling pinangunahan ni Nicole Tiamzon ang Perlas Spikers sa iniskor niyang 16 puntos,kasunod si Gervacio na may 15 puntos.

Nanguna naman si Paneng Mercado para sa Petro Gazz sa ipinoste nitong 9 puntos Pansamantalang mawawala ang BanKo dahil lalahok sila sa international club tournament sa Vietnam simula sa Miyerkules- ang Vinh Lo Cup.

Sa isa pang laro, sinimulan ng bagong bihis na Ateneo de Manila University-Motolite Lady Eagles ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng paggapi sa Pocari Sweat-Air Force Lady Warriors, 25-23, 17-25, 25-20, 30-28.

Namuno si Kat Tolentino para sa Lady Eagles na may 19 puntos, kasunod si Bea De Leon na may 12 puntos.

Nagbuhos naman si Myla Pablo ng 30 puntos, ngunit hindi ito sapat upang makaangat sila buhat sa tinamong 36 errors.

-Marivic Awitan