“WALANG sinumang naaresto dahil lamang binatikos si Pangulong Marcos,” pagdepensa ni dating Senador Juan Ponce Enrile sa rehimeng militar ng dating Pangulo na tumagal hanggang sa siya ay mapatalsik ng taumbayan. Si Enrile ay Minister of National Defense noong panahong iyon. Iyong kanyang pagpapanggap na siya ay tinambangan ay ginawang huling dahilan ng dating Pangulo para ipataw ang batas militar sa buong kapuluan.
Sa totoo lang, ayaw ko nang isulat pa ang naranasan ko noong ideklara ni dating Pangulong Maros ang martial law. Ayaw ko nang patulan pa ang pahayag ni Enrile na walang ipinadakip si Marcos dahil binatikos siya. Gusto ko na sanang pagbigyan siya dahil sa kanyang katandaan. Normal naman kasing nililimitahan na ng edad ang pag-iisip ng tao. Ang problema lang kasi, maliwanag ang layunin ng kapamilya ni Marcos na magbalik sa gobyerno. Pamahalaan na naman nila itong muli. Naranasan na nilang gamitin ito para sa kanilang sariling kapakanan. Ginamit pa nila ito laban sa taumbayan.
Palihim na pinairal ni Marcos sa tulong ng militar ang martial law. Nanghuli muna sila ng alam nilang kanilang kalaban at ipinasara ang lahat ng himpilan ng radyo at telebisyon. Ikinandado ang limbagan ng mga pahayagan. Ganap na 5:00 ng umaga nang umakyat ang mga sundalo ng Metrocom sa aming tahanan. Naka-full battle gear sila at inimbitahan nila akong sumama sa kanila. Iimbestigahan lang daw ako. Nang bumaba na kami, nakita kong isang 6x6 na truck at dalawang kotse ang nasa harap ng aming bahay. Binarahan nila ang Rizal Avenue habang kinukuha nila ako. Pilit na sumasama ang aking maybahay pero binulungan ko siya na maiwan dahil baka masama pa siya sa gagawin sa akin. “Tingnan mo na lang ang mga anak natin,” bilin ko.
Sa gym ng Camp Crame ako dinala. Inabutan ko sa labas si Governor Lino Bocalan ng Cavite na ayaw pumasok hanggang hindi raw niya nakakausap si General Fidel Ramos na noon ay hepe ng Philippine Constabulary at naging Pangulo natin. Pinauna ako ni Gen. Ramos na pumasok sa gym habang nag-uusap sila ni Gov. Bocalan. Kaya, sa listahan ng mga nasa loob na ay ika-24 ako na siya sanang puwesto ni Bocalan. Sa loob, dahil mainit, nakita kong may nakahubad nang mga naaresto. Naroon sina Sen. Ninoy Aquino, Pepe Diokno, mga delegado ng Constitutional Convention, mediamen tulad nina Fidel at Doronila, labor leader na sina Ignacio Lacsina, Cipriano Cid at iba pa. Kinagabihan, lumabas si Pangulong Marcos sa nag-iisang bukas na telebisyon at inanunsiyo na idineklara niya ang martial law noong Setyembre 21 sa buong Pilipinas at binasa ni Francisco Tatad na noon ay Press Secretary, ang mga pangalan namin na dinakip at nasa kustodiya na ng militar.
Wala pang dalawang araw, puno na ang gym. Walang tigil ang pag-aresto. Nang dumami kami, inilipat ang iba sa amin sa Fort Bonifacio. Noong Disyembre 7, may nagtangkang saksakin si Gng. Imelda Marcos sa ibabaw mismo ng entablado, pero napatay ang salarin. Kinabukasan, inilipat ako sa PC Stockade. Habang naririto ako ay ginanap ang pagpatay kay Lim Seng, na umano ay drug lord, sa pamamagitan ng firing squad. Pinalaya ako noong Marso 7, 1973. Pinabubulaanan ko lang iyong sinabi ni Enrile na walang inaresto sa panahon ng martial law dahil binatikos si Marcos. Dinakip at pinapanagot ako ng rebelyon at subversion. Walang espasyo para isiwalat ko dito ang hirap na dinanas namin sa piitan.
-Ric Valmonte