NAPANATILI ni WBC No. 1, WBO No. 2, WBA No. 3 at IBF No. 11 contender Jonathan Taconing ang kanyang WBA International light flyweight title sa pananaig sa bagitong si Vince Paras via 12-round unanimous decision sa Elorde Sports Complex sa Paranaque City kamakalawa ng gabi.

Nagpakita ng magandang boxing skills si Taconing sa nakipagpukpukan na si Paras sa loob ng 12 rounds pero nanaig ang two-time world title challenger sa score cards ng mga huradong sina Virgilio Garcia, Gil Co at Greg Ortega.

Sa pagwawagi, inaasahang magiging mandatory contender na si Taconing kay WBC light flyweight champion na si undefeated Ken Shiro ng Japan at maaari rin niyang hamunin si WBO junior flyweight titlist Angel Acosta ng Puerto Rico.

Matagal na dapat WBC light flyweight champion si Taconing pero nadaya siya nang hamunin noong 2012 ang dating kampeon na si Kompayak Porpramook na idineklarang nanalo via 5th round technical decision kahit nasa bingit na sa pagkatalo via knockout sa sagupaang ginanap sa Buriran, Thailand.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa ikalawang paghamon sa dating WBC light flyweight titlist na si Ganigan Lopez sa sagupaan sa Mexico noong 2016, natalo rin sa hometown decision si Taconing nang bawasan ng puntos sa accidental headbutt sa 8th round.

Napaganda ng tubong Zamboanga del Norte na si Taconing ang kanyang rekord sa 28-3-1 na may 22 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ng one-time world title challenger na si Paras sa 13 panalo, 2 talo na may 11 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña