Isang project architect na inakusahan ng panggagahasa sa kanyang subordinate sa loob ng isang apartelle sa Quezon City may tatlong taon na ang nakakaraan, ang nadakip ng mga tauhan ng San Juan City Police sa kanyang bahay sa lungsod.
Batay sa naantalang report ng San Juan City Police na ipinadala kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Bernabe Balba, nakilala ang suspek na si Arnel Curiba, 35, may asawa, ng Barangay Salapan, San Juan City.
Ayon kay San Juan Police chief, Senior Supt. Dindo Reyes, nadakip ang suspek ng mga tauhan ng Police Community Precint (PCP)-5 Warrant and Subpoena Section, sa bahay nito dakong 9:00 ng gabi ng Huwebes, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape na inihain ng babaeng subordinate niya.
Batay sa record ng hukuman, Enero 24, 2015 nang umano’y gahasain ng suspek ang biktima sa loob ng isang apartelle sa Aurora, Cubao, matapos silang mag-inuman kasama ang iba pang katrabaho.
Nagsampa ng reklamo ang biktima sa Cubao Police subalit hindi kaagad naaresto ang suspek dahil nagpalipat-lipat na ito ng tirahan, hanggang sa matiyempuhan sa bahay nito sa Bgy. Salapan.
Kasalukuyan nang nakapiit si Curiba sa Quezon City Jail Male Dormitory, at walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanya.
-Mary Ann Santiago