BIDA ang iba’t ibang atraksiyon, produkto at kultura ng buong Iloilo sa apat na araw na travel and product fair na inorganisa ng pamahalaang panglalawigan.

Nasa ika-14 ng taon na, ang “Tumandok”—na salitang Hiligaynon para sa “katutubo”—ay taunang isinasagawa at bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Turismo tuwing Setyembre.

Binuksan ang pagdiriwang nitong Miyerkules, sa pamamagitan ng isang cultural performance ng West Visayas State University (WVSU) College of PESCAR (Physical Education, Sports, Culture, Arts and Recreation).

Nasa 19 na booth na kumakatawan sa mga bayan sa probinsiya ang binuksan at nagtatampok ng mga produkto at kanya-kanyang ipinagmamalaking lugar .

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mga kalahok na bayan at lungsod ang Oton, Tigbauan, Guimbal, Igbaras, Miag-ao, San Joaquin, Leon, Pavia, Leganes, Sta. Barbara, Cabatuan, Badiangan, Calinog, Duenas, Passi City, San Enrique, Concepcion, Estancia, at Carles.

Sinabi naman ni Gilbert “Bombet” Marin, hepe ng Provincial Culture, Arts, History and Tourism Office, na bagamat nais nilang imbitahan ang lahat ng 42 bayan at lungsod sa probinsiya, hindi umano kakayanin na magkasya sa venue ang lahat.

Kasama sa food exhibit ang produktong yari sa kamay, organikong prutas at gulay, daing at iba pang uri ng lamang-dagat, gayundin ang mga tourist spot na matatagpuan sa lugar ang nasilayan.

Nagkaroon din ng cultural presentation at pagtatanghal tungkol sa mga lokal na kapistahan.

Ayon kay Marin, naiiba ang kanilang selebrasyon sa ibang mga lugar sa bansa dahil katuwang nila ang mga estudyante sa pagsusulong ng iba’t ibang atraksiyon at lugar sa Iloilo.

Ngayong taon, naging bahagi ng pagdiriwang ang mga estudyante ng Hotel and Restaurant Technology Department ng Iloilo Science and Technology University (ISAT-U), La Paz Campus sa Iloilo.

“We really want the students to become front-liners in promoting our local destinations,” aniya.

Simula umano ng magsimula ang “Tumandok” noong 2004, halos lahat ng pampublko at pribadong unibersidad sa lugar ay nakikibahagi.

Ipinagmamalaki naman niya na malaki ang naitutulong ng taunang gawain sa mga residente ng probinsya.

“We receive a lot of inquiries about local attractions on how to get there and through marketing and featuring their products. Locals who have backyard industries were given the opportunity to be recognized by some hotels because some of them are now ordering their products, like fruit juices and fresh vegetables,” aniya.

Samantala, umaasa naman si Marin na kakayanin na nilang tanggapin ang lahat ng bayan at lungsod sa probinsiya sa mga susunod na pagdiriwang upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga ito na ipakita ang kani-kanilang produkto at kultura.

PNA