Naaresto ng mga awtoridad ang isang magka-live-in na pinadalhan ng isang art table mula sa Africa, pero roon pala itinago ang 800 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P5.4 milyon, sa Dasmariñas, Cavite.

Ang dalawang dinakip ay nakilalang sina Julie Ann Lozada, at Cyril Garcia- Cabigan, parehong taga-Dasmariñas, Cavite.

Natunton ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Customs (BoC) ang consignee ng nasabing art table, nang isailalim ito sa controlled delivery operation.

Ang nasabing art table ay ipinadala ng isang Asumani Lofeta, sa pamamagitan ng courier firm, sa isang Joy Bido-Mariel, 28, na kalaunan ay nakilalang si Lozada. Galing sa Democratic Republic of Congo sa Africa ang art table, at dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Setyembre 21.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Paliwanag ng PDEA, hinarang nila ang nasabing padala nang matuklasang naglalaman ito ng malaking halaga ng droga, at kaagad silang nagkasa ng controlled delivery operation.

Naaresto sina Lozada at Cabigan makaraang tanggapin ang nasabing package.

-FER TABOY at RAYMUND F. ANTONIO